Sa kagustuhang makapagtrabaho sa Japan o Australia para sa pamilya, may nangutang, nagbenta ng kalabaw at nagsangla ng gamit para ipambayad sa hinihinging placement fee ng isang recruitment agency sa Bacolod City na lumilitaw na ilegal umano ang operasyon.
Sa ulat ni Adrian Prieto sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabi ng dalawa sa mga biktima na P50,000 ang hiningi sa kanila ng kanilang kausap na nangakong makakaalis kaagad sila patungong Japan sa loob lang ng tatlong linggo.
Kaya ang biktimang si Francine Pascual, nagbenta ng kalabaw at nangutang para malikom ang ipinambayad umano niya sa KAS-A & SMV Management Consultancy Services.
Ang isa pang biktima na itinago sa pangalang "Nene," naubos naman ang ipon at nagsangla pa ng gamit para may maipambayad din bilang placement fee.
Dumulog sa tanggapan ng National Bureau of Investigation ang mga biktima at isinagawa ang entrapment operation laban sa mga suspek.
Lima ang naaresto na sina Sandy Agena, Maricar Bangcale, Richard Hiponia, Teresa Aragon, at Arlene Alonday ng nasabing tanggapan.
Ayon sa NBI, lumilitaw na walang permit sa Philippine Overseas Employment Administration ang ahensiya.
Wala rin umanong napaalis na OFW ang mga ito, ayon sa NBI.
Itinanggi naman ng mga suspek ang paratang at iginiit na wala silang tinanggap na pera mula sa mga nagrereklamong biktima.
Sasampahan ang mga suspek ng reklamong paglabag sa Republic Act 8042 o ang "Migrant Workers Act." --FRJ, GMA News