Aminado ang dalawang Pinay na fruit at vegetable picker sa Japan na mahirap at mabigat ang kanilang trabaho. Pero nababawi raw ito kapag natanggap na nila ang kanilang sahod dahil sulit ang kanilang pinagpaguran.
Ipinakita ng dalawang Pinay ang ginawa nilang bilang fruit at vegetable picker. Hindi man biro ang pamimitas ng prutas at pag-ani ng gulay, biyaya naman ang balik nito dahil higit na mas malaki ng kanilang sinasahod sa Japan kaysa noong nasa Pilipinas sila.
Sa video ng "Make Your Day," sinabing taga-ani ng gulay si Ivy Villegas , at kumikita siya ng $1,700 o katumbas ng P90,000 bawat buwan.
Habang kumikita naman si Jera Bracamonte-Koyama ng $1,146 o P60,000 sa pagiging fruit picker.
"Iba rito kasi. Bawat minuto dito, bawat segundo, gumagalaw ka talaga. 'Yung isip mo, 'yung lakas mo, galaw talaga. Kahit gaano kabigat 'yan kailangan mo talagang buhatin," sabi ni Villegas.
Tatlong taon nang taga-ani si Villegas ng gulay sa Japan. Ang inaani niya ay inilalagay sa mga kahon at binubuhat niya papunta sa warehouse.
Ginagawa niya ito dahil sa kagustuhan niyang matustusan ang pangangailangan ng dalawa niyang anak, matapos na hindi gaanong kumita sa pagbebenta niya noon ng mga cellphone sa Pilipinas.
"'Yung sahod ko naman po, malaki naman po siya, nagre-range siya sa P20,000 ($380). Nakakakain kami tatlong beses sa isang araw. Kahit ganoong kalaki ang sahod mo, parang wala akong ipon," sabi ni Villegas.
Ang mabigyan din ng magandang buhay ang pamilya ang nagtulak kay Koyama na humanap ng oportunidad sa Japan.
"Bale ang sinasahod ko lang po kinsenas roon (Pilipinas) is nasa P4,000 to P5,000 siya. Doon pa lang, na-realize ko na na kulang talaga 'yung sinasahod ko. Siyempre kailangan kong mag-provide para sa family ko," sabi ni Koyama.
All-around na trabahador na ngayon si Koyama sa isang fruit park. Nagtatanim at namimitas siya ng strawberries, at nag-aayos ng bubong ng greenhouse.
Ginagawa niya ang mga ito kasabay ng pagtitiis sa init sa loob ng kaniyang pinagtatrabahuhan.
"'Yung sobrang init, nakakasakit na po talaga ng dibdib. Kaya 'yung ibang matatanda na kulang talaga sa tubig, hindi maiiwasang hindi sila matumba," sabi ni Koyama.
Hindi man biro ang trabaho nina Villegas at Koyama ngunit sulit naman sa suweldo.
"'Pag tatanggap ka ng sahod, [mababawi] na ang lahat ng pagod mo, 'yung hirap," sabi ni Villegas. -- FRJ, GMA News