Humingi ng tulong at payo ang isang overseas Filipino worker sa Jordan na nais nang umuwi sa Pilipinas matapos niyang malaman na wala pala siyang employer na naghihintay doon.
Sa programang "Sumbungan ng Bayan," sinabi ng OFW na pagdating niya sa Jordan ay doon pa lang niya nalaman na hahanapan pa lang siya ng employer.
"Tama po ba 'yon? Ano ang kailangan kong gawin," tanong ng OFW.
Ayon kay Atty. Catherine Lopez, dapat na may balidong employment contract ang OFW bago pa siya umalis ng Pilipinas.
Isa raw kasi ang employment contract sa mga kailangan upang makakuha ng OEC o Overseas Employment Certificate ang isang OFW.
Maaari umanong ikonsidera na illegal recruitment ang nangyari sa OFW sa Jordan dahil nakaalis siya nang walang maayos na pahintulot mula sa Philippine Overseas Employment Agency (POEA).
Sa tanong kung papaano siya makakauwi, sinabi ni Lopez na maaaring lumapit ang OFW sa Philippine Embassy o sa tanggapan ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) para sa repatriation.
Kapag nakauwi na ang OFW, maaari niyang kasuhan ng kriminal o administratibo ang agency na nagdala sa kaniya sa Jordan na walang kontrata o walang employer, ayon sa abogado. --FRJ, GMA News