Laking gulat ng isang pamilya sa Parañaque nang makita nila in-person sa kanilang bahay sa Parañaque ang kaanak nilang overseas Filipino worker na ka-video call nila at inakalang nasa Canada pa.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing apat na taon nang hindi nakakauwi ng bansa ang OFW na si Ann Fontanilla.

Ngunit nang ma-stroke ang 88-anyos na ina ni Ann, nagpasya siya na umuwi para makita ito at makasama rin muli ang kaniyang mga kapatid.

Pero nais niyang maging sorpresa ang kaniyang pagbabalik sa bansa. Tanging ang pamangkin lang ang sinabihan ni Ann para mag-video sa kanilang gagawin.

Naging matagumpay naman ang kanilang plano dahil makikita ang labis na pagkagulat ng kaniyang mga kapatid nang dumating siya sa kanilang bahay.

Mababakas din sa higpit ng yakap at iyak ang pananabik nila sa isa't isa.

“Naisip ko, what if may mangyari kay nanay? Ayoko namang umuwi na wala na siya. Nagde-dementia na siya. Ayoko naman umuwi na hindi na niya ako maalala,” ayon kay Ann.

Umabot na sa isang milyon ang views ng video nina Ann. Naniniwala sila na higit pa sa emosyon, mas tumatak sa mga nakapanood ang mensahe ng paglalaan ng panahon sa mga mahal sa buhay.

“Hindi importante’ yung distance o pera o kung nasaan ka. Ang importante ay magkakasama kayo and the other thing that I see is ’yung respeto sa magulang, pagmamahal sa magulang,” pahayag ni Ann.

Dalawang linggo lang nanatili si Ann sa Pilipinas at nakabalik na siyang muli sa Canada noong Abril 21. Pero tinitiyak niyang uuwi siyang muli para makasama ang pamilya.– FRJ, GMA News