NEW YORK - Umapela sa Commission on Elections (Comelec) ang ilang rehistradong overseas absentee voters sa Amerika na bigyan ng extension ang botohan sa mga lugar na apektado ng delay ng delivery ng mga election materials.
Ito ay sa kadahilanang hindi pa rin natatanggap ng mayorya ng mga rehistradong overseas absentee voters sa Northeast US ang kanilang election packets na naglalaman ng kani-kanilang official ballots.
Ganito rin ang sitwasyon sa South US na kinabibilangan ng mga estado ng Alabama, District of Columbia, Florida, Georgia, Kentucky, Maryland, North Carolina, South Carolina, Tennessee, Virginia at West Virginia na may mahigit 35,000 overseas absentee registered voters na sakop ng Philippine Embassy sa Washington DC.
Ayon kay Mark Dominic Lim ng Philippine Embassy sa Washington DC, tatlong araw na nabalam ang pagpapadala ng election materials sa mga rehistradong botante dahil na rin sa delay ng shipment mula sa Pilipinas ng Comelec.
Dismayado na ang Pinoy na si Flo Coronel ng Woodside, New York dahil nitong Lunes, Abril 18, ay hindi pa niya natatanggap ang kaniyang official ballot. Isinisi niya ang delay sa makupad na trabaho umano ng Comelec.
Sinabi naman ni Nerissa Allegretti ng 1Sambayan USA sa isang online press conference na hindi magiging kasalanan ng mga botante ang pagkaka-delay ng pagpapadala ng kanilang mga balota.
Posible raw na kapusin na sa oras ang maraming botante mula sa malalayong lugar kaya dapat daw bigyan ito ng konsiderasyon ito ng Comelec.
Sa New York, minamadali na ng Philippine Consulate General na maipadala ang mahigit 39,000 official ballots pero wala daw sa kanilang control ang delivery ng mga ito sa mga botante dahil ang United States Postal Service (USPS) na ang may hawak nito.
Umaasa sila na agad na made-deliver ng USPS ang mga balota sa mga botante.
Sa text message sa GMA News ni Consul General Elmer Cato ng Philippine Consulate General sa New York, humingi siya ng pang-unawa sa mga kababayan na naghihintay ng kanilang mga balota.
"More kababayan in New York and surrounding areas will be receiving their election packets in the next several days with the delivery to the post office this morning of several thousand ballots," aniya.
"The Philippine Consulate General in New York will strive to get more ballots to our kababayan in the next several days despite the delay in the arrival of election materials that was compounded by COVID exposure of several of its personnel," dagdag niya.
"We have worked continuously for the past seven days since the ballots arrived and have not availed ourselves of our Holy Week break. We are sleep deprived and exhausted but we continue to perform our election duties while having to simultaneously serve the consular needs of our kababayan. We are not complaining but we would appreciate it if kababayan who have been waiting for their ballots would extend to us their kind patience and understanding. We are doing everything we can to get those ballots to you," ani Cato.
Nagsimula ang overseas absentee voting (OAV) para sa Eleksyon 2022 nitong Linggo, Abril 10, ngunit hindi nakaboto agad ang mga botante sa northeast US dahil wala pa ang mga election paraphernalia galing Pilipinas.
Nitong Lunes, Abril 11, lamang natanggap ng Philippine Consulate General sa New York ang mga vote counting machine at iba pang election paraphernalia na gagamitin para sa OAV sa Eleksyon 2022.
Samantala, hiniling naman ng Philippine Embassy sa Washington sa mga botante na ipagbigay-alam nila ang kanilang ibang options matapos ibinalik ng USPS sa embassy ang ilang election packets. —KG, GMA News