NEW YORK - Libo-libong Pinoy voters sa Northeast United States ang hindi pa makaboto nitong Linggo, ang unang araw ng overseas absentee voting (OAV) para sa Eleksyon 2022.

Hindi pa rin kumpleto ang mga vote counting machine, official ballots at election materials na gagamitin ng Philippine Consulate General sa New York para isagawa ang OAV sa mga botanteng Pinoy sa Northeast Region.

Apektado ang mga registered Pinoy voters sa 11 na lugar:

  • New York;
  • New Jersey;
  • Boston, Massachusetts;
  • Connecticut;
  • Pennsylvania;
  • Main;
  • Vermont;
  • Rhode Island;
  • New Hampshire;
  • Delaware;
  • Maryland.

 

Binatikos ng ilang Filipino-American community maging ang mga militanteng grupo ang pagka-delay ng pagboto na dapat ay nagsimula na nitong Abril 10.

Sa isang open letter sinisi ng mga ito ang Philippine Embassy sa Washington, DC at Philippine Consulate General sa New York dahil hindi raw nito inasikaso nang maaga ang shipment ng mga equipment, official ballots at election materials na gagamitin sa OAV.

Sa Lunes, magtutungo ang mga botanteng Pinoy sa harap ng Philippine Consulate General sa New York para hanapin ang kanilang mga balota.   

Pero ayon kay Consul General Elmer Cato, ang shipper ang nagkaroon ng problema at hindi ang Konsulado.

Wala raw dapat ikabahala ang mga kababayan dahil sisiguruhin daw nila ang malinis, maayos at may krebilidad na eleksyon sa mga lugar na sakop ng Konsulado.

Natanggap na nila ang unang shipment noong nakaraang linggo pero kulang pa raw ito kaya hindi pa ma-i-mail ang official ballots sa libo-libong Pinoy na nagrehistro para sa OAV.

Sinabi na Cato na dumating na sa FedEx facility sa New Jersey ang ilang bahagi ng shipment. Nakaalis na rin sa Alaska at kasalukuyang nasa Memphis FedEx facility ang huling bahagi ng shipment na kinabibilangan ng vote counting machines at official ballots.

Inaasahan nila na matatanggap ang mga ito sa araw ng Lunes o Martes kaya itinakda ng Konsulado ang final testing at sealing ng vote counting machines sa araw ng Miyerkules at matapos nito ay agad na nilang ipapadala sa mga botante ang kanilang official ballots.

"Due to logistical difficulties encountered in the shipment of the election materials for the 2022 Philippine National Elections, the Consulate General of the Philippines in New York will be rescheduling the Final Testing and Sealing of Vote Counting Machines (VCMs) to 13 April 2022 (Wednesday) at 9:00am EST, at the Kalayaan Hall on the 2nd Floor of the Philippine Center," ang saad sa advisory ng Konsulado sa Facebook.

 

Samantala, sa ibang bahagi ng Amerika namay ay natanggap na ng mga botante ang kanilang offcial ballots.

Maaari nila itong ipadala sa pamamagitan ng US Postal service o personal na ihulog sa Philippine Embassy sa Washington, DC o sa mga konsulado na nakakasakop sa kanilang lugar. —KG, GMA News