NEW YORK CITY - Hindi pa rin naisasagawa ang final testing and sealing ng mga voting counting machine (VCM) na gagamitin para sa overseas absentee voting (OAV) dito sa New York.
Isang box pa lang na naglalaman ng election paraphernalia ang natanggap ng Philippine Consulate General sa New York nitong Biyernes at wala pa ring petsa kung kailan ang final testing and sealing gayung sa Linggo na magsisimula ang OAV para sa Eleksyon 2022.
Sa advisory na inilabas ng Philippine Consulate General sa kanilang Facebook page, sinabi nito na naipadala na ng Commission on Elections sa Alaska ang mga VCM, balota at iba pang election materials na gagamitin at inaasahan na darating ito sa mga susunod na araw.
Sa isang text message, sinabi naman ni Consul General Elmer Cato sa GMA News na may karagdagang requirements na hiningi ang US Customs na naging dahilan ng delay.
“The delay was due to additional requirements that US Customs required the shipper to submit," saad ni Cato.
Naisagawa na ang final testing and sealing sa ibang lugar sa Amerika partikular na sa San Francisco at Los Angeles sa California. —VBL, GMA News