Sinasaktan at ikinukulong umano ng kaniyang amo ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Riyadh, Saudi Arabia. Ang biktima na isang domestic helper, humingi ng tulong habang nasa banyo kung saan daw siya pinapatulog ng kaniyang amo.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabi ni Juliet Manuales, na ipinaalam na niya sa kaniyang agency ang kaniyang kalagayan pero wala umanong aksiyon na ginagawa.
“Ako po si Juliet Manuales, kasalukuyang nandito… Ako po ay nagreklamo noong December pa. Hanggang ngayon, wala pa ring aksyon,” ani Manuales.
“December 9 and 10, sinaktan ako. Hanggang December 22, wala akong contact sa pamilya ko dahil kinuha nila lahat ng cellphone ko. Kinulong, sinaktan, lahat ginawa nila. Tiniis ko po ‘yun,” patuloy niya.
Ibinalik daw ng amo ang cellphone niya nang magmakaawa siya at nangakong hindi magsusumbong.
“Kasi 'pag nagsumbong daw ako, papatayin nila ako, puputulan ng kamay,” ani Manuales.
Pero muli raw siyang sinaktan ng kaniyang amo at pinaratangan na nagnakaw ng pera at ATM cards noong Marso 18.
“Lahat ginawa nila, sinakal ng dalawang beses, kinulong, kinuha yung cellphone ko. 10 days ako na walang contact sa pamilya ko. Nagtatrabaho ako para mabuhay at makakain kasi pag di ako gumalaw, papatayin nila ako, sasaktan nila ako,” sumbong pa ni Manuales.
“Yung agency ko, nakausap ko po pero hindi ko alam kung pinapaasa lang nila ako kasi parang walang aksyon. Nag-aantay ako na makuha dito. Sana po, matulungan ninyo ako,” dagdag niya.
Humingi rin ng tulong ang pamilya ni Manuales na nasa Davao de Oro para sagipin ang kanilang mahal sa buhay.
“Siyempre umiiyak kami, wala kaming magawa dahil malayo siya… Kung magsusumbong naman kami, wala naman kaming magawa,” ani Maricel Ampunan, kapatid ni Manuales.
Ayon kay POEA Administrator Bernard Olalia, iniimbestigahan na ang agency ni Manuales.
“Ipapa-rescue po natin, ipapa-coordinate natin that the measures in place should be implemented meaning to say, kokontakin ‘yung FRA, kokontakin yung agency, kokontakin yung employer, at kokontakin yung designated authority on board para po ma-rescue yung ating kababayan,” ani Olalia.
Tutulungan din umano si Manuales na magsampa ng reklamo laban sa amo at agency nito kung mapapatunayan na totoo ang kaniyang mga alegasyon.--FRJ, GMA News