Sinabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ahensiya ng pamahalaan na pagbutihin ang pagseserbisyo sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs). Ayon sa Punong Ehekutibo, hindi nila dapat pahirapan ang mga OFW sa pagproseso ng kailangan nilang mga dokumento.
Ginawa ni Duterte ang pahayag sa groundbreaking ceremony ng OFW Center sa Daang Hari, Las Piñas City, na isang one-stop shop na satellite office ng pamahalaan para sa kailangang mga dokumento ng OFW.
“At this is one aspect of the journey of a migrant worker starting on his working on the papers ang ayaw ko kasi patagalan, so itong Red Tape [Authority] it will really well call your attention that you are not serving the people alam mo ganun sa gobyerno eh,” sabi ni Duterte sa talumpati.
“Yung masakit sa akin saan-saan ituturo: you have to go to the NBI [National Bureau of Immigration] then you have to go the BIR [Bureau of Internal Revenue], then you have to go to... alam dito sa Manila traffic alone even with the advent of this elevated highways is not enough really to make a great impact to improve the lives,” giit niya.
Nauunawaan umano ni Duterte ang hirap na pinagdadaanan ng mga nais magtrabaho sa abroad, lalo na ang mga nasa lalawigan na kailangang gumising nang maaga at bumiyahe para makompleto ang mga dokumentong manggagaling sa mga ahensiya ng pamahalaan na kanilang kailangan.
“Ang migrant workers hindi puwede mag-ano... walang pera 'yan and it is very tiring because they have no private cars they have to travel public and they cannot complete the papers pabalik-balik 'yan. Ang ayaw ko yung pabalik-balik,” giit ng pangulo.
Binalaan ni Duterte ang mga opisyal na gawin ang kanilang trabaho at sundin ang kaniyang utos.
“Dito sa executive department isa lang ang tao, isa lang ang tigas dito, sundin ninyo ang gusto ko. ‘Yan better do the things that I want to improve the service of the government or else mayroon tayong away. I'm sure I don't want to quarrel masama pa naman yung bunganga ko,” babala niya.
Una rito, pinirmahan ni Duterte ang Republic Act 11641 o ang batas na lilikha ng Department of Migrant Workers.
Sa ilalim ng naturang batas, ililipat sa Department of Migrant Workers ang trabaho at mandato ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Ito na rin ang mangungunang kagawan na mamamahala sa kapakanan ng mga OFW at iba pang Pinoy sa abroad.--FRJ, GMA News