Nananatiling mahaba ang pila ng mga taong may kailangang asikasuhing dokumento sa DFA Office of Consular Affairs sa Aseana Business Park.
Dahil dito, sinabi ni Administrator Bernard Olalia ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), na makikipag-ugnayan sila sa Department of Foreign Affairs (DFA) kung papaano sila makatutulong para mapabilis ang proseso sa mga dokumentong kailangan ng mga tao, partikular ang mga magtatrabaho sa ibang bansa.
Iniulat na ilan sa mga nakapili sa DFA ay mula pa sa ibang lalawigan at nakikipagsapalaran na makaabot sa daily cutoff.
Sa haba ng pili, umaabot ang linya sa Macapagal Boulevard at Roxas Boulevard.
“Alam niyo po nung nalaman po namin 'yan tayo po ay kinakailangan makipag-usap sa ating iba't ibang ahensiya na siya pong in-charge sa mga OFWs at kinakailangan pong i-represent din po natin sila with the DFA in order to address this particular important issue,” sabi ni Olalia sa panayam ng GTV "Balitanghali."
Ayon kay Olalia, mahalaga ang apostille documents para para makakuha ng Overseas Employment Certificate (OEC) ang mga nais magtrabaho sa ibang bansa.
“Alam niyo po iyang apostille documentation na dumadaan po sa DFA, isa po 'yan sa mga documentary requirements ng ating mga OFWs para po sana makakuha sila ng OEC,” ani Olalia.
“Napakaimportante po niyan kaya tayo po sa POEA ay makikipag-ugnayan at makikipagtulungan para po matugunan itong issue na ito kung papaano mapapabilis yung pagkuha ng apostille documents po sa DFA,” dagdag ng opisyal.
Aminado naman si DFA Acting Assistant Secretary Christian de Jesus, na hindi kaagad nila naasikaso ang lahat. Pero kabilang pa rin umano ang mga walk-in applicant sa sinisikap nilang matulungan.
"Hindi po natin kayang gawin na lahat nang pupunta ay ma-a-accommodate. Pero uulitin ko, ina-assure ko po ang lahat, na meron tayong continuous walk-in service. Kaya hindi kailangan na magdagsaan lahat dito ng isang bagsak," ani de Jesus .
Kaninang umaga, naglabas ng abiso ang DFA na pansamantalang suspindido na ang apostille services sa Miyerkules, March 23, dahil naabot na bilang ng mga apikante na kayang iproseso sa araw na nabanggit. — FRJ, GMA News