Nabigo man sa pag-ibig matapos pumunta sa Canada, natagpuan naman ng isang Pinay ang pagmamahal sa pagsasaka, na proud ngayong nagmamaneho ng traktora doon.
Sa "Dapat Alam Mo!" sinabi ng 36-anyos na si Liezl Alegre, na nakararamdaman siya ng kakaibang thrill sa tuwing nagpapatakbo ng mga higanteng sasakyan tulad ng traktora sa kaniyang trabaho sa Canada.
"Foreigner kasi ako rito sa Canada tapos nakikita nila nagda-drive ako rito ng malalaking tractors. So humahanga po sila. May iba po na nagsasabi sa akin na bihira raw 'yung determinasyon ko sa trabaho, kasi sila parang hindi rin nila kaya," sabi ni Liezl.
Ayon kay Liezl, normal na sa western countries na nagtatrabaho ang mga babae ng mga panlalaking trabaho tulad ng pagiging operator o trucker.
Bago nito, nagpunta si Liezl sa Canada para sa pag-ibig, pero hindi naging maganda ang ibinunga nito.
"Nakapangasawa ako ng Canadian 11 years ago. Tapos pagdating ko rito like two years after, nag-divorce na po kami. Tsaka dito na rin ako naghanap ng trabaho, nagsimula ng bagong buhay," anang OFW.
Wala raw talagang alam si Liezl sa pagtatanim, pero hindi niya namalayang anim na taon na siyang nagtatrabaho sa Canada bilang magsasaka, na kaniya na ngayong bagong pag-ibig.
Inamin naman ni Liezl na ang "magtanim ay 'di biro."
"'Yung first three years siguro parang gusto kong mag-quit na ewan ko, naiiyak ako. Masasabi ko sa sarili ko na parang hindi yata ito 'yung work na para sa akin. 'Yung first year ko talaga na nagtatanim ako ng soya, 'yun po talaga parang na-discourage po talaga ako. May tatlong row po kasi na wala talaga, empty talaga siya," kuwento niya.
Gayunpaman, nagbunga ang sipag at tiyaga ni Liezl. Sinusubaybayan na rin siya online, na umaani ng libong likes at views.
--FRJ, GMA News