Naiyak sa tuwa ang isang ama nang sorpresang umuwi ang anak niyang OFW para sa kaniyang kaarawan. Ilang buwan matapos nito, naging emosyonal muli ang ama dahil kailangan na naman nilang magkahiwalay.

Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, napag-alaman na tatlong taon na hindi nakauwi ng Pilipinas si Riza Parilla, dahil sa kaniyang trabaho sa Dubai at sa pandemic.

Kaya sa ika-61 taong kaarawan ng kaniyang ama na si Roy, gumawa siya ng paraan na makauwi sa mismong araw ng selebrasyon bilang sorpresa.

Hindi naman nabigo si Liza dahil napaiyak niya sa tuwa ang kaniyang ama nang makita siya na may bitbit na birthday cake.

Kuwento ni Tatay Roy, "Noong mag-video call kami, sabi ko sa kaniya, 'Kailan kayo uuwi?' Sabi naman niya sa 'kin, 'Basta uuwi ako.'"

Kaya laking tuwa ni Riza nang matanggap ang negative COVID-19 test result niya sa araw ng kaarawan ng ama kaya nakahabol siya sa selebrasyon.

Ayon kay Riza, natutuwa siya na mapasaya ang ama dahil matinding kalungkutan umano ang nadama ng kanilang padre de pamilya nang pumanaw ang kanilang ina noong 2017.

"Kung ano 'yung love na pwede naming ibigay sa mama namin, binuhos na lang namin sa kaniya ngayong siya na lang natitira para sa amin," sabi ni Riza.

Ngunit matapos ang ilang buwan na kapiling ang ama, kailangan na muling magpaalam si Riza upang bumalik sa Dubai.

Kaya si Tatay Roy, muling naging emosyonal dahil mawawalay na naman nang matagal ang anak.

Nangako naman si Riza sa ama na uuwi sa Pilipinas sa susunod na taon para dito ipagdiwang ang Pasko.

FRJ, GMA News