Nananawagan sa Department of Labor and Employment ang ilang mga OFW na alisin na lamang ang temporary suspension ng pagpapadala ng mga bagong kasambahay sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA).
Sa panayam ng GMA News sa ilang OFWs na kasalukuyang nag-a-apply ng trabaho bilang mga kasambahay sa Saudi Arabia, sinabi nilang nangangamba sila sa magiging epekto ng deployment suspension sa kanilang pamilya.
Si Charmie Tubis na mula pa sa probinsya ng Eastern Samar at tatlong linggo nang nasa Maynila upang iproseso sa agency na inaplayan ang kanyang mga papeles, ay nangangamba na hindi makaalis at magtagal siya sa Maynila dahil sa suspensyon.
" Kung ako po ang tatanugnin sana 'wag na lang po i-ban. Yung mga employer na lang po na hindi sumusunod sa mga kontrata nila na hindi nila aanuhin ang mga katulong, kailangan ko po maka alis kasi mahirap lang po kami, kasi nasalanta po kami noon ng bagong Yolanda po kami, hindi pa po kami nakaka move on sa kahirapan."
Pawagan niya kay Labor Secretary Silvestre Bello III, "Sana po ay 'wag i-ban ang Saudi Aarabia kasi po kawawa naman ang mga katulad namin na gustong magtrabaho."
Dagdag niya, "Yung employer na lang po na bago i-deploy ang mga kasambahay ay i-background check 'wag na lang po kung hindi talaga ... hindi na lang bigyan ng katulong yung mga hindi sumusunod po sa kontrata."
Nagbabalak namang maghanap ng pansamantalang trabaho sa Maynila si Marylou Perez at Melissa Quintos sa pangamba na magtagal daw sila mag hihintay sa Maynila dahil sa suspensyon.
Si Perez na isang single mother at mula pa sa General Santos City ay nakatakda na magtrabaho sa Najran sa KSA.
Ayon sa kanya, isang buwan na raw syang nasa accomodation ng kanyang agency sa Makati habang pina process ang kanyang mga papeles.
Panawagan ni Quintos, "Siguro po okay lang naman na ituloy ang process at okay din po na i-blacklist ang mga employer na hindi sumusunod dahil kawawa din naman po ang mga kababayan natin na minamaltrato"
Sana daw ay magkaroon muna ng background check sa mga employers bago i-deploy ang mga worker.
Humihingi naman ng pasensya si Department of Labor Secretary Bello sa mga maaapektuhan ng suspension dahil kinakailangan daw nila itong gawin para maiparating sa pamahalaan ng Saudi Arabia ang mga violation ng ibang mga employers sa mga OFW na nagtatrabaho sa kanilang bansa.
" Unang una yung Temporary suspension ng verification and issuance of OEC ay recommended by POEA Administrator Olalia, kung matandaan mo ay meron yung nireklamo na general na merong mga OFW natin na minaltrato na hindi naman sya ang employer pinapalabas na may mga deficiency dun sa mga information tungkol sa employment contract."
Bukod sa kaso ng pangmamaltrato ay kasama rin daw sa dahilan ang hindi parin mabayaran ang mga unpaid salaries at end-of-service benefits ng mga OFW na umaabot daw sa P5 bilyon.
Sinabi ni Bello na sa kaniyang pulong sa Minister of Labor ng Saudi sa Abu dhabi dialogue kanila daw pinag-usapan ang mga unpaid claims ng may 9,000 OFWs.
"During that meeting may commitment ang labor ng KSA na they will settle, nagkaroon kami ng agreement na mag-create sila ng technical working group at mag create tayo ng technical working group para pag-usapan how to facilitate the payment of the settlement of the disputes of our overseas workers and at the same time ay meron din silang request na kung maaari ay i-allow na ang operation ng mega recruitment agencies nila at dahil sa commitment na babayaran na nila ang more than 9,000 OFWs, yung kanilang mga claims at unpaid salaries ay we agree to that discussion tungkol sa mega recruitment agencies."
Ngunit, kahit na nagkaroon na raw ng dalawang meeting ay ayaw naman daw pag-usapan ng Saudi counterpart ang usapin ng settlement sa claims ng mga OFW, ayon pa kay Bello.
"Mukha na naman naisahan na naman tayo so based on the recommendation of Administrator Olalia ay ibinaba ko na ang temporary suspension" ayon pa kay Bello.
Posible raw mauwi sa total deployment ban ng OFWs sa Saudi kung hindi daw tutupad ang kaharian sa napag kasunduan nila, pahayag ni Bello, —LBG, GMA News