Dumami ang mga Pinoy na nais subukan o bumalik sa pagtatrabaho sa abroad tulad sa Middle East na nadagdagan umano ang mga puwedeng aplayan.
Sa ulat ni Saleema Lefran sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakita ang mahabang pila sa isang recuitement agency sa Maynila.
Ayon kay Gerlyn Burawis, executive secretary ng CDK International, kabilang sa mga trabaho na puwedeng aplayan sa United Arab Emirates ay gasoline boy na ang sahod ay nagkakahalaga ng katumbas sa P23,000 bawat buwan.
Libre umano ang accommodation at transportation, at walang placement fee na kailangang bayaran ang aplikante.
Kahit walang karanasan, maaari umanong mag-aplay dahil sasailalim naman sa training ang matatanggap.
Online ang pag-apply sa naturang agency at pupunta lamang sa tanggapan para sa personal interview.
Ayon naman sa Philippine Overseas Employment Agency (POEA), patuloy din umano ang pangangailangan ng Israel para sa mga caregiver at mga nurse sa Saudi Arabia.
Bisitahin ang POEA website para sa kompletong listahan ng mga bakanteng trabaho sa abroad.
Tiyakin din na sa mga lisensiyadong recuitment agency ng POEA makikipagtransakyon para hindi mabiktima ng mga manloloko.--FRJ, GMA News