Dahil sa hilig niya sa pagbe-bake, pumatok ang kaniyang mga kakanin at ngayo'y plano nang magtayo ng sarili niyang bake shop ang isang overseas Filipino worker (OFW) na nagsimula bilang massage therapist sa Riyadh, Saudi Arabia.
Sa "Stories of Hope," ikinuwento ni Celvin Undag ng Misamis Occidental, na nakapagtapos siya bilang caregiver, at pinangarap talaga niyang mangibang-bansa para makatulong sa pamilya.
Dalawang taong nagtrabaho sa Pilipinas si Celvin bilang visual merchandiser, hanggang sa mag-apply siya sa isang recruitment agency para makapag-abroad.
Taong 2015 nang matanggap na siya sa Riyadh.
Gayunman, hindi naging sapat ang kaniyang sinasahod sa mall, kaya nahikayat siya ng mga kaibigan na mag-massage therapist.
Habang nagtatrabaho bilang massage therapist, sinimulan niyang pag-aralan ang matagal na niyang hilig na "baking" sa tulong ng internet.
"Dati po kasi, hindi naman ako nakapag-aral na mag-bake. Walang nagtuturo sa akin kundi sa YouTube lang talaga. Kaya ang laki talaga ng tulong sa akin ng YouTube," sabi ni Celvin.
Nagsimula siya sa paggawa ng cake na inoorder ng kaniyang mga kaibigan. Kinalaunan, pinasok niya na rin ang paggawa ng kakanin.
Sa payo na rin ng ilang tao, pumasok na rin sa catering si Celvin.
Kaya naman patok na patok ang mga produkto ni Celvin sa mga kababayan sa Riyadh.
Nang dumating ang pandemya, hindi siya nawalan ng pag-asa sa paggawa niya ng kakanin. Umisip din si Celvin ng mga paraan para hindi magsawa ang kaniyang mga customer.
Ang kaniyang patok na cassava cake, ni-level up pa niya na may kasamang ibang flavor.
Ayon kay Celvin, nais ng kaniyang amo sa spa na magtayo na sila ng bake shop.
"Kung may talent kayong mag-bake, lahat, kung ano ang mga talent niyo, huwag kayong mawalan ng pag-asa na i-apply niyo 'yan. Ipakita niyo sa buong mundo, sa lahat kasi diyan ka talaga aasenso, aangat sa buhay," mensahe ni Celvin sa mga kapwa OFW.
Panoorin ang kaniyang buong kwento sa video na ito ng "Stories Of Hope."
--FRJ, GMA News