Mula nitong nakaraang Mayo, ilang beses nang nakansela ang biyahe pauwi ng Pilipinas ng isang overseas Filipino worker na nasa Dubai. Pero ngayong nasa bansa na siya, hindi pa rin siya tiyak kung makikita na ba niya ang inang may malubhang karamdaman.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras Weekend," sinabi ni Randy Casimiro na mayroon sakit na kanser ang kaniyang ina at hindi na tumatalab ang chemotherapy nito.
"Hindi na gumagana 'yong chemo... at lumalaki na 'yong tiyan niya, marami ng bukol, hindi na siya nakakakain nang maayos. Tina-try kong kausapin siya araw-araw," anang OFW.
Dahil sa pandemic, ilang beses na-rebook ang biyahe ni Casimiro at hindi rin siya makasingit sa repatriation program ng pamahalaan kaya hindi siya makauwi agad ng bansa.
Kaya nang pinayagan na ang "bayanihan" flights o pagbiyahe ng commercial airlines, sinamantala ito ni Casimiro kahit doble pa ang bayad.
Gayunman, hindi pa rin kaagad mapupuntahan ni Casimiro ang kaniyang ina dahil kailangan niyang mag-quarantine na bahagi ng patakaran sa mga nanggagaling sa ibang bansa.
Kaya pakiusap ni Casimiro, mabigyan ng konsiderasyon for humanitarian reason ang mga katulad niyang may katulad na sitwasyon na hindi naman maisasakripisyo ang health protocols.
"'Pag nagkakausap kami, lagi niya sinasabi na natatakot siya baka hindi na kami magkita. That's the most painful part because I don't know how I would respond to that," umiiyak na sabi ni Casimiro.
Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III, na pag-aaralan nila ang sitwasyon at kung paano matutulungan si Casimiro. — FRJ, GMA News