Hindi pinalad sa amo ang isang overseas Filipino worker na nagtrabahong kasambahay sa Kuwait. Matapos kasing umalis sa unang amo na nananakit, napunta naman siya sa amo na nangmolestiya sa kaniya.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing Oktubre 2019 nang makipagsapalaran sa Kuwait ang OFW na itinago sa pangalang "Janice."

Ginawa raw ni Janice na magtrabaho sa abroad upang mabigyan ng maayos na buhay ang dalawa niyang anak.

Sa unang amo, tumagal lang daw si Janice ng walong buwan at umalis dahil sa ginagawang pambubugbog sa kaniya. Inihanap naman siya ng kaniyang agency ng bagong amo.

Mabuti naman daw ang pakikitungo sa kaniya ng among lalaki sa simula pero pagkaraan ng ilang buwan ay nagsimula na siyang pagsamantalahan.

"Mula noon hindi na po ako makatulog, hindi na po ako makakain," saad ni Janice.

Pinagbantaan din daw ng amo niyang lalaki ang kaniyang buhay kaya hindi siya makapagsumbong.

"Sabi ng amo kong lalaki, kapag nagsmbong daw ako papatayin ako ng asawa niya," umiiyak niyang kuwento.

Iparating ng GMA News sa Department of Foreign Affairs ang sitwasyon ni Janice, at nitong Agosto 8 ay nasagip na siya sa bahay ng kaniyang amo sa tulong ng mga awtoridad ng Kuwait.

Dinala si Janice sa shelter ng Pilipinas sa Kuwait pero hindi pa malinaw kung ano ang nangyari sa amo niyang lalaki.

Umasa si Janice na makakakuha siya ng hustisya at makauwi na kaagad sa Pilipinas, bagay na inaasikaso na raw ng DFA. --FRJ, GMA News