Para matigil ang pananamantala sa mga nais maging caregiver na sinisingil ng mga recruitment agency ng halos kalahating milyong pisong placement fee, government to government na ginawang proseso ng Pilipinas at Israel.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabing 48 na caregiver ang unang batch na ipadadala ng Pilipinas sa Israel.
May kabuuang 377 caregiver ang ipadadala ng Pilipinas sa Israel sa ilalim ng tinatawag na bilateral agreement na government to government track.
Ayon kay Philippine Overseas Employment Administration (POEA) head Bernardo Olalia, ang government to government track ang nakitang solusyon ng dalawang bansa para na matulungan ang mga nais maging caregiver sa Israel laban sa mga agency na naniningil ng sobrang mahal na placement fee.
Dahil walang placement fee na kailangang hulugan, buo na makukuha ng mga caregiver ang kanilang sahod na aabot sa katumbas na P78,000.
Sinabi ni Felicidad Uppao, na kabilang sa first batch ng mga ipadadalang caregiver, nakita niya sa kanilang lalawigan na gumanda ang buhay ng mga kababayan na nagtrabahong caregiver sa Israel.
Maganda rin umano ang pakikitungo ng mga taga-Israel sa mga Pinoy caregiver.
Ayon pa kay Uppao, kumpara sa unang pagsubok niya noon nang mag-apply bilang caregiver, higit daw na naging mas madala ang pag-apply niya ngayon.
Ang pagpapadala ng caregiver sa Israel ay gagawin matapos na alisin na ang deployment ban doon na ipinatupad ng Pilipinas noong Mayo dahil sa naganap na tensyon ng Israel at Hamas.--FRJ, GMA News