Problema ang sumalubong sa mahigit 400 na overseas Filipino workers sa Taiwan pagbalik nila sa kani-kanilang dormitoryo matapos silang ma-quarantine dahil sa COVID-19.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang video na kuha ng Pinoy sa Taiwan na si Gina Lin, matapos ihatid ng bus ang mga OFW.
Mistulang basang-sisiw umano ang mga OFW at inabot pa ng magdamag sa labas habang suot ang PPE.
"Nakatambay sila sa bus mula gabi hanggang kinaumagahan the next day. Naka-PPE silang lahat, basang-basa ng pawis," ayon kay Lin.
Nang makabalik na sila sa dorm, nagulat ang iba nang makitang naka-empake na ang kanilang gamit at may iba nang nakatira sa kuwartong tinutuluyan nila.
"Inilagay sa mga plastik na parang basurahan [mga gamit]. So ipinarating namin sa MECO 'yan. Ang sabi ng MECO they know and they are monitoring the case," sabi pa ni Lin, patungkol sa Manila Economic Cultural Office, ang kumakatawan sa pamahalaan ng Pilipinas sa Taiwan.
May grupo rin ng OFWs na inilipat sa ibang dorm na dating quarantine facility kaya ayaw nilang pumasok sa mga kuwarto dahil nandoon pa mga ginamit na mga bagay gaya ng tissue at PPE.
"Kaya yung hindi pa nakapasok, ayaw nang pumasok doon sa dormitory kasi ang ano nila na-disenfect na ba ang lugar," sabi ni Lin.
Sinasabi naman umano ng mga awtoridad na na-disinfect na ang lugar pero hindi lang naayos ang mga kuwarto.
Hinihinala na sa dorm nagkakaroon ng hawahan dahil pinagsisiksikan umano ang nasa 12 katao sa isang kuwarto na para lang dapat sa apat katao.
"Kinakawawa ang mga OFW dito. Sa karamihan ng dorms dito na pinagsisikan sila. Hindi naman tayo magkakaproblemang cluster kung hindi mo pinagsisiksik ang mga tao sa isang maliit na kuwarto," ayon kay Lin.
Ang mga walang mapuntahan na kuwarto, sa lobby na lang natulog para makapagpahinga. Habang nagmadali naman ang iba na makapag-swab test para makabalik na sa trabaho.
Sinusubukan pa na makuha ang reaksyon ng MECO sa naturang usapin, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News