Halos 100 tahi ang kinailangang gawin sa mukha ng isang Pinoy na hiniwa ng isang kapwa niya pasahero sa subway sa New York City.

Kinilala ang biktima na si Noel Quintana, 61-anyos, na naninirahan na sa New York.

Kuwento niya, nasa subway siya nang makita niya ang kapwa pasahero na sinisipa ang kaniyang bag.

Nang komprontahin ni Quintana ang lalaki, naglabas ito ng box cutter at pahalang na hiniwa ang kaniyang mukha.

Wala raw tumulong noon sa biktima.

Nairekord sa CCTV ang insidente at nakuhanan ng video ang salari. Hindi pa malinaw kung naaresto na ito.

Napag-alaman na noong nakaraang taon, sinuntok naman si Quintana nang bumaba siya sa Manhattan station.

Ayon sa New York Times, tumaas ngayong taon ang mga insidente ng krimen sa subway tulad ng pagnanakaw, pananakit, panghahalay, at pagpatay kumpara noong nakaraang taon.

Maaaring mas naging mapangahas daw ang mga kriminal na umatake sa subway dahil kakaunti ang pasahero rito na magiging testigo sa krimen.— FRJ, GMA News