Nais ng mga senador magkaroon din ng karapatan ang mga Pinoy sa abroad na bumoto ng mga kongresista sa halalan sa pamamagitan ng absentee voting.
Ginawa ni Senador Francis Tolentino ang mungkahi sa pagtalakay ng P14.84 bilyon na budget ng Commission on Elections (Comelec) para sa 2021.
"It will generate the participation of our kababayans who are clustered culturally—the Batanguenos, Cavitenos, Ilocanos—if they will vote for their congressmen. The Constitution does not prohibit that," sabi ni Tolentino.
"The Constitution is silent. It does not say that you can only vote for senators, President, and the Vice President," dagdag niya.
Sinuportahan naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang mungkahi Tolentino sa paniwalang makatutulong ito para hikayatin ang mas maraming Pinoy sa abroad na bumoto.
Ayon kay Drilon, bagaman 1.6 milyon ang nakarehistrong overseas Filipinos bilang botante, tinatayang 300,000 lang ang bumoboto.
Sa kasalukuyang absentee voting system para sa mga OFWs, hindi kasama ang mga lokal na opisyal, kabilang ang mga kongresista, sa mga ibinoboto ng mga Pinoy sa abroad.
Ang paraan ng pagbibilang ng boto ang itinuturong dahilan ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto.
"The ballots are counted overseas and sent back to Manila... unlike in the US overseas voting or absentee voting, it goes to the state, ang bilangan doon sa local mismo. Sa atin, ang bilangan at the national level lang," paliwanag niya.
Mungkahi ni Drilon, mag-imprenta ng dalawang balota—isa na ibabalik sa local level at isa na bibilangin sa national level.
"The overseas voter ballot packet will have to be customized to each overseas Filipinos' hometown so medyo logistical nightmare sa ngayon," ayon naman kay Sen. Risa Hontiveros, sponsor ng budget ng Comelec.
"But it's good na makita natin what would it entail kung 'yan ang gagawin ng ating Kongreso," saad niya.—FRJ, GMA News