BORACAY Island - Isang French national, kasama ang kaibigang Pilipina, ang umakyat ng mga matatarik na bundok sa Norway para ipanawagan sa mga Pinoy na huwag mag-suicide bagaman sobrang hirap ng buhay.
Sa isang video na ipinadala ng French national na si Yael Pericard, sinabi niyang ito na ang ika-27 niyang pag-akyat ng bundok sa iba't ibang bahagi ng mundo.
Ayon kay Yael, nalaman niyang ilan sa mga residente ng lalawigan ng Aklan maging ng isla ng Boracay ang nag-suicide dahil nawalan ng trabaho at nakaranas ng depression bunsod ng COVID-19 pandemic.
Dahil Setyembre ang Suicide Prevention Month, naisipan ni Yael na i-dedicate ang kanyang pag-akyat ng bundok sa mga taga-Aklan para ipakita ang paglaban kahit na sobrang hirap ng buhay.
Nais daw niyang ipakita sa pamamagitan ng video kung gaano kahirap umakyat ng bundok pero patuloy pa rin siyang lumalaban na maabot ang pangarap.
Ilang beses na raw nakapunta ng Pilipinas si Yael at sa katunayan ay marami siyang kaibigan sa mga miyembro ng Aklan Trekkers Group.
Base sa tala ng Aklan Provincial Police Office, magmula Enero hangang Agosto ngayong taon, umabot na sa 24 ang mga kaso ng COVID-19 sa probinsiya. Anim sa mga ito ay naitala sa isla ng Boracay. —KG, GMA News