Iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na naputol na ang tatlong magkakasunod na araw na walang Pinoy sa abroad na naitatalang nasawi sa COVID-19.

Sa datos na inilabas ng DFA ngayong Biyernes, iniulat na 21 ang nadagdag sa bilang ng Pinoy sa abroad na nahawahan ng virus para sa kabuuang 10,062 possitive cases.

Umakyat naman sa 755 ang mga nasawi matapos na madagdag ng 13 ngayong Biyernes sa listahan.

Lumilitaw na galing sa Middle East/Africa region ang bagong bilang ng mga nasawing Pinoy sa abroad dahil sa COVID-19.

Samantalang sa mga bansang nasa Asia and the Pacific at Middle East, nagmula ang 21 bagong kaso ng COVID-19.

Nagdagan naman ng 15 ang mga gumaling na sa virus para sa kabuuang bilang na 6,095, at 3,212 naman ang patuloy na ginagamot.

 

 


Sa Pilipinas, lumobo sa 209,544 ang bilang ng COVID-19 possitive nitong Biyernes, matapos iulat ng Department of Health (DOH) ang 3,999 new infections.

Nadagdagan naman ng 510 pasyente ang gumaling para sa kabuuang bilang na 134,474, pero 91 ang nadagdag sa listahan ng mga nasawi para sa kabuuang bilang na 3,325.

Pinakamarami sa mga bagong kaso ng COVID-19 ay nagmula sa National Capital Region (2,097), Laguna (178), Cavite (138), Batangas (132), at Cebu (125).--FRJ, GMA News