Sa ikatlong sunod na araw, nanatili sa 742 ang bilang ng mga Pinoy sa abroad na nasawi sa COVID-19, batay sa inilabas na datos ng Department of Foreign Affairs nitong Huwebes.

Ayon sa DFA, apat pa ang nadagdag sa listahan ng mga gumaling mula sa virus para sa kabuuang 6,080.

Anim naman ang mga bagong kaso para sa kabuuang bilang na 10,041, at 3,219 pa ang nagpapagaling.

Nananatiling pinakamaraming bilang ng mga Pinoy sa abroad na dinapuan ng COVID-19 ang nasa Middle East/Africa na umaabot sa 6,949.

Dito rin mayroong pinakamaraming gumaling sa bilang na 4,156, pinakamaraming nasawi sa bilang na 461, at pinakamaraming patuloy na ginagamot sa bilang na 2,332.

 

 


Sumunod ang Europe na may pinakamaraming kaso (1,164), pangatlo ang Asia Pacific Region (1,133) at Americas (295).

Sa Pilipinas, 3,249 ang naitalang mga bagong kaso ng COVID-19 para sa kabuuang bilang na 205,581.

Sumampa naman sa 133,990 ang kabuuang bilang ng mga gumaling matapos na madagdagan ng 566.

Pero 97 ang nadagdag sa tala ng mga nasawi sa virus para sa kabuuang bilang na 3,234.

Nanggaling pa rin sa Metro Manila ang pinakamalaking bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 na umaabot sa 1,584, sumunod ang Cavite (147), Laguna (143), Negros Occidental (140), at Batangas (123).--FRJ, GMA News