Lumampas na sa 10,000 ang bilang ng mga Pinoy sa abroad na dinapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). Samantalang mahigit 6,000 naman ang gumaling na sa naturang virus.

Sa impormasyon na inilabas ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Lunes, sinabing 19 ang naitalang bagong mga kaso ng mga Pinoy na nasa ibang mga bansa na nahawahan ng COVID-19.

Dahil dito, umakyat sa 10,003 ang kabuuang bilang ng mga Pinoy sa abroad na nagpositibo sa nabanggit na virus.

 

 

Nadagdagan naman ng 61 ang mga gumaling para sa kabuuang bilang na 6,014.

Umakyat din ang bilang ng mga nasawi sa 742 makaraang madagdagan ng siyam. Habang 3,247 naman ang patuloy na ginagamot.

Ang Middle East/Africa pa rin ang lugar na may pinakamataas na kaso ng mga Pinoy sa abroad na tinamaan ng COVID-19 na umaabot 6,946. Sa naturang bilang, 461 ang nasawi at 4,156 ang gumaling.

Sumunod ang Europe na may 1,158 infections, kasama ang 95 nasawi at 656 na gumaling.

Sa Asia Pacific Region, 1,107 na Pinoy ang tinamaan ng virus, walo ang pumanaw at naka-recover ang 748.

Nasa 792 naman ang mga Pinoy sa Americas ang nagpositibo sa virus, 178 ang nasawi at 454 ang gumaling na.—FRJ, GMA News