Sa panahon ng kagipitan lalo na kung nasa ibang bansa, sino pa nga ba ang magtutulungan kung hindi ang kapwa niya Filipino. Gaya nang nangyari sa isang overseas Filipino worker sa Saudi Arabia na magkaroon ng COVID-19 at nawalan pa ng hanapbuhay kaya wala nang makain at gamot habang naka-quarantine. Kaya ang kapwa niya OFW, to the rescue.
Ayon sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing katatanggap lang ng OFW ang balita na tigil-operasyon ang pinapasukan niyang restraurant nang makaramdam siya ng sintomas ng COVID-19.
"Nagkaroon po ng random swab test sa company namin. Doon po namin nalaman na pito po pala kaming nagpositibo sa COVID. 'Yun nga po, dinala kami doon sa isolation area na binigay ng company sa amin," ani James.
Pero dahil ubos na ang pera at hindi na rin nakakuha ng sapat na tulong mula sa employer, nanawagan ang pinsan ni James sa chat groups ng Filipino community para matulungan siya.
Nang makarating sa Pinay nurse na si Ellen Salcedo ang sitwasyon ni James, hindi ito nag-atubili na pumunta sa tinutuluyan ng kababayan upang maghatid ng pagkain at gamot kasama ang kaniyang asawa.
"Di ko po talagang mapigilang umiyak nung araw na 'yon gawa po sa tuwa po at sa lungkot na nagkaroon po ako ng COVID. Tapos nagkakaroon po kami ng mabait na mga kababayan namin na handang magbuwis ng kanilang buhay para makatulong din po sa amin," sabi ni James.
Nag-viral nakaantig na video ng paghahatid ng tulong sa Filipino community sa KSA.
"Basta kailangan niyo pa ng tulong, babalik kami. May mga gamot at pagkain diyan. Basta ingatan niyo lang po sarili niyo, 'wag po kayo magpabaya. Kailangan makauwi po kayo sa Pilipinas nang maayos kasi hinihintay kayo ng mga pamilya niyo," madidinig na boses ni Salcedo.
Sa panayam, sinabi ni Salcedo na wala sa isip nila na magba-viral ang video dahil ang tanging pakay nila ay makatulong sa kaniyang kababayan.
Matapos nito, magkakasunod na panawagan na ang natanggap ni Salcedo na kanila namang tinugunan.
"As in wala na po sila kahit pambili ng pagkain. Syempre nakikita namin nagpo-post, may mga nag-positive pa tapos hindi nila alam kung anong gagawin nila," aniya.
Balang araw, nais ni James na mapasalamatan ang mag-asawang tumulong sa kaniya.
"'Yung mga sinabi niya po nagpapalakas din ng loob sa amin. 'Yun po siguro 'yung dahilan bakit po ako napaluha nu'ng araw na 'yon. Maraming salamat po talaga sa inyo, ma'am," sabi ni James. --Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News