Matapos ang ilang linggong paghihintay, dumating na sa bansa ngayong Biyernes ang unang batch ng mga labi ng mga OFW na pumanaw dahil sa COVID-19 at iba pang sakit sa Saudi Arabia.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras," sinabing dinala sa Villamor Air Base ang mga labi na kinabibilangan ng 20 OFWs na nasawi sa COVID-19, at isang sanggol.

Pero bilang pag-iingat, hindi na pinayagan ang mga kaanak ng mga OFW na magpunta sa Villamor, at sa halip ay pinapunta na lang sila sa iba't ibang crematorium kung saan dadalhin ang mga bangkay para kaagad na mai-cremate.

Naging pahirapan ang pag-uwi sa mga labi ng mga OFW dahil na rin sa pandemic at nagbigay pa ng deadline ang pamahalaan ng KSA para maiuwi ang mga labi.

Katunayan, ilang bangkay ng mga OFW ang nailibing na sa KSA matapos na pumayag ang kanilang mga kaanak.

Pero ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello, nangako na ang pamahalaan ng KSA na hindi na ililibing sa kanilang bansa ang mga pumanaw na OFW sa COVID-19 hangga't walang pahintulot ng mga kamag-anak.

Bagaman nais umano ng mga pamahalaan na sabay-sabay nang maiuwi sa bansa ang nasa 270 pang bangkay ng mga OFW, gagawin na lang itong per batch dahil nasa 49 na bangkay lang daw pinayagan ng nakontrata nilang eroplano na kanilang maisasakay.

Samantala, inanunsyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Biyernes na nadagdagan ng 11 Pinoy sa abroad ang nagpositibo sa COVID-19 para sa kabuuang bilang na sa 8,803.

 

 

Nadagdagan din ng 11 ang mga gumaling para sa kabuang bilang na 5,265, at dalawa ang nadagdag sa listahan ng mga pumanaw na umabot na ngayon sa 594.

Nasa 2,944 na pasyente naman ang patuloy na ginagamot.

Sa datos ng DFA, mayroong 6,379 na COVID-19 cases ng mga Pinoy ang naitala sa Middle East/Africa, at sumunod naman ang Europe na may 1,047 cases.

Sa Americas, 699 na Pinoy ang nagpositibo sa virus, habang 678 cases naman ang naitala sa Asia Pacific Region.--FRJ, GMA News