Wala nang mainom at may mga kasamahang dayuhan na namatay na, humihingi ng tulong ang dalawang Pinoy seafarer na stranded sa barkong pangisda na nasa karagatang sakop ng Sri Lanka.
Sa panayam ng GMA News "Unang Hirit" nitong Huwebes, nanawagan si Robert Maguigad na tulungan sana silang makauwi na dahil nagkakasakit na rin sila.
“Sana po matulungan po kami dito, sir, na makauwi po. At sana po madala po kami kaagad sa ospital kasi may mga nararamdaman po kami na hindi mabuti katulad ng pananakit ng tiyan at masakit na lalamunan,” saad niya.
Ayon pa kay Maguigad, apat na dayuhang kasama nila [dalawa ang Indonesian] ang namatay na at nakalagay sa freezer ng barko.
Kuwento ni Maguigad, ang isa sa mga nasawi ay namaga muna ang binti hanggang sa umabot na sa katawan at nahirapan nang huminga at hanggang sa bawian ng buhay.
Wala rin daw silang malinis na inuming tubig sa barko kaya napilitan silang inumin na rin ang tubig-dagat.
Ipinaalam na raw nila sa kanilang agency ang kanilang kalagayan.
“Sabi po kasi ng ahensya namin na ipinagbabawal daw po ng Presidente ang magpa-repatriate ng mga marine crew dito sa Sri Lanka,” saad niya.
Sa panayam kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Hans Leo Cacdac, sinabi ng opisyal na kakausapin ng kinauukulang ahensiya ang manning agency nina Maguigad.
Makikipag-ugnayan daw ang OWWA sa Department of Labor and Employment (DOLE), Philippine Overseas Employment Administration (POEA), at Department of Foreign Affairs (DFA) para tugunan ang kahilingan ng dalawang Pinoy.
“We will talk to DOLE and POEA para siguraduhing agaran ‘yung pagpapatawag doon sa manning agency at para panagutin ‘yung manning agency,” pahayag ni Cacdac.
Kaagad din umano silang makikipag-ugnayan sa labor office at port authorities sa Sri Lanka para mabigyan ng kaukulang tulong ang dalawang Pinoy. --FRJ, GMA News