Tiniyak ni Labor Secretary Silvestre Bello III nitong Huwebes sa mga kaanak ng mga nasawing overseas Filipino workers (OFW) na maiuuwi ang mga labi nito sa bansa.
"I would like to inform the next of kin, the relatives of our dead OFWs that at all costs we will repatriate all of them," saad ng kalihim sa Laging Handa briefing.
"Hindi man magawa namin paminsanan, pero titiyakin namin na maiuuwi natin sila lahat," dagdag pa ng kalihim kasabay ng pagtiyak sa bereavement and insurance benefits na matatanggap ng mga kaanak ng namayapang OFWs.
Sa Biyernes, 44 na bangkay ng OFWs mula sa Saudi Arabia ang dating umano sa Pilipinas. Kinabibilangan ito ng 19 na nasawi sa COVID-19, at 25 naman sa "natural causes."
Panibagong 44 na bangkay naman ang darating sa Lunes.
"We will do that until we have repatriated all our dead OFWs," sabi ni Bello.
Tungkol sa "protocol" panuntunan, sinabi ng kalihim na kaagad dadalhin sa crematorium ang mga OFW na nasawi sa COVID-19.
Samantalang ang mga pumanaw sa ibang dahilan ay maaari umanong kunin ng mga kaanak at ilibing sa loob ng isang araw, o kung nais din nilang mai-cremate na rin ang mga labi.
Una rito, nagbigay ng deadline ang KSA sa Pilipinas ng hanggang July 4 para maiuwi ang 274 na bangkay ng mga OFW, kung saan mahigit 100 ang nasawi sa COVID-19.
Pero pinalawig umano ng KSA ang palugid dahil sa naantalang pagpapalabas ng mga kailangang dokumento.--FRJ, GMA News