Nakauwi na sa bansa ang isang OFW na nagreklamo ng pagmamaltrato ng kaniyang amo sa Riyadh, Saudi Arabia, matapos siyang makatanggap ng tulong mula sa kaniyang kababayan sa Bustos, Bulacan.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras," sinabing si Niña Perez ang nag-asikaso para makabili ng ticket pauwi si Nanay Joan Cruz Ravilo.
Kaya naman labis ang tuwa ni Niña sa pag-uwi ni Nanay Joan sa bansa nitong linggo.
"Napanood ko po si Nanay Joan sa 24-Oras at narinig ko po ang kaniyang kuwento na hindi maganda ang kaniyang kalagayan sa Riyadh," sabi ni Niña.
Naibalita si Nanay Joan sa 24-Oras noong Hunyo na naranasan ang pagmamaltrato mula sa mga dayuhang amo sa Riyadh saka siya ibinalik sa kaniyang agency, na nagkulong at gumutom naman umano sa kaniya sa shelter kasama ang halos buto't balat na Kenyan.
Nanaig daw kay Niña na tulungan ang OFW dahil hindi niya man ito ina o kamag-anak, pareho naman silang taga-Bustos, Bulacan.
"Minarapat ko pong makatulong kahit po sa maliit na pamamaraan lamang. Kaya maraming salamat po sa mga tumulong po sa amin sa OWWA at sa Philippine Embassy sa Riyadh," sabi ni Niña.
Nakauwi si Nanay Joan matapos ang halos isang buwang pakikipag-ugnayan.
Katatapos lang din ng kaniyang kaarawan kaya sinalubong siya nina Niña at ng mga kasama nito ng cake, bukod pa sa banner.
"Masaya po dahil po nasa harapan ko na siya after ilang weeks ng pag-uusap, nakauwi na po si nanay," sabi ni Niña. —LBG, GMA News