Isang overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia ang namatay nitong Martes ng umaga sa loob ng Bahay Kalinga, ayon sa isang opisyal ng Philippine Overseas Labor Office sa Jeddah.
Sa panayam ng GMA News kay Labor Attache Nasser Munder, sinabi niyang cardiac arrest ang sanhi ng pagkamatay ng nasabing OFW batay sa paunang imbestigasyon, bagama't kinakailangan pa itong kumpirmahin ng isang doktor.
"Ang initial na findings ng medic na dumating na ambulansya ay cardiac arrest but still subject pa sa confirmation from the certified physician," ani Munder.
Hindi na muna pinangalanan ni Munder ang namatay na mula sa Pandi, Bulacan dahil hindi pa raw nila naipapaalam sa pamilya nito ang nangyari sa nasabing OFW.
Ayon kay Munder, sinabi ng mga kasamahan sa kuwarto ng namatay na OFW na wala naman daw itong iniinda. Narinig na lang daw nila itong umungol kaya agad silang tumawag ng ambulansya.
Sa kasamaang palad, patay na ang OFW nang datnan ng rumespondeng medics.
Ang nasabing OFW ay dinala ng employer sa Bahay Kalinga nitong June 29 mula sa ospital kung saan daw siya na-confine, ayon kay Munder.
"Dumating lang siya sa Bahay Kalinga nitong June 29 for custody habang wino-workout ng sponsor ang kanyang exit visa at mag-iintay ng flight niya. Kagagaling lang niya sa ospital, accordingly sa isang information nagpa-confine siya because of goiter and it turned out na nung makita namin ang kanyang mga gamot na may binigay na gamot sa kanya sa pang-puso," ani Munder.
Ang namatay ay isa lang sa halos 300 mga OFW na pansamantalang nakatira sa Bahay Kalinga, isang shelter ng distressed OFWs.
Ayon kay Munder, dumami ang bilang ng mga naghihintay makauwi ng Pilipinas dahil sa suspension ng international flights sa Saudi Arabia dulot ng COVID-19. —KBK, GMA News