Maiuuwi na rin sa Pilipinas ang labi ng ilang Pilipinong nagtatrabaho sa Saudi Arabia na pumanaw na, ayon sa opisyal ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Jeddah.

Sa ekslusibong panayam ng GMA News kay Labor Attaché Nasser Munder nitong Martes, sinabi nito na nakatanggap na sila mula sa Manila ng flight details ng eroplanong maghahatid sa mga namatay na OFW.

Sinabi ni Munder na dalawang flights ang posibleng maghahatid sa mga namatay na OFWs sa Biyernes at Linggo. "This week, ang sabi sa akin ay Friday at ang susunod ay Sunday," aniya.

Ayon pa kay Munder, uunahing iuwi ang mga labi ng mga namatay sa Dammam at Riyadh bago ang mga galing Jeddah.

Sigurado raw na unang mapapauwi ang 11 labi ng OFWs na namatay hindi dahil sa COVID-19 at posible pa itong madagdagan.

Ani Munder, hindi pa kasama ang mga namatay sa COVID-19 sa mga mapapauwi dahil inaantay pa rin nila ang clearance mula sa pamahalaan ng Saudi Arabia.

"Sa ngayon ano 34 ang namatay sa COVID-19 [sa Western Region ng Saudi Arabia] pero until now nag-iintay pa tayo ng approval o clearance from the host government para maiuwi ang mga bangkay," aniya.

"Ang ready lang sa ngyaon ay labing-isa, puwede pa rin madagdagan yan dahil may mga namatay sa malalayong lugar. Hindi lang kasi puwede madala dito sa Jeddah kung walang flight details although ang inuuna natin dito ay ang ready for shipment of remains at yung iba ay may mga papeles pang inaayos," dagdag pa niya. —KBK, GMA News