Kahit nakakaranas din ng kakapusan dulot ng COVID-19 pandemic, hindi ito naging hadlang kay Feby Dela Peña, isang OFW sa Dubai, United Arab Emirates, na gamitin ang talento niya sa pagluluto upang makapagbigay ng makakain sa daan-daang mga kababayan na nagugutom sa kinaroroonan niya.
Sa online program ng GMA Public Affairs na "RTx," sinabing isa sa mga naapektuhan ng pandemya si Feby, na isang full-time mom na may sideline na online food business.
Dahil sa pandemic, nabawasan siya ng customers at dumepende lang siya sa suweldo ng kaniyang asawa.
Pero hindi natiis ni Feby ang mga kapwa Pinoy sa Dubai na nawalan ng trabaho, mga visit visa at nagbakasakali lang, at mga nakaltasan ng suweldo, kaya sinimulan niya ang misyon na magbigay ng pagpakain.
Nag-ambagan sina Feby at ang mga kasama niya sa bahay para sa kanilang proyekto, at nakalikom ng P6,759.
Sa baba ng kaniyang apartment, makikita ang napakahabang pila ng mga tao para makakuha ng pagkain. Hindi naging madali para kina Feby at mga kaibigan ang ginagawa nilang food distribution araw-araw.
Gayunman, hindi naiwasan ni Feby na matakot na magka-COVID-19, at isipin din ang kapakanan ng kaniyang pamilya.
"Mahirap ang sitwasyon dito sa Dubai, puro problema. Paano po kung kami na 'yung wala nang makain? Paano 'yung mga anak ko?" saad ni Feby.
"Kasi siyempre exposed po ako sa mga tao. Pero naisip ko that time na, kung hindi ka tutulong, kung matatakot ka lang, papaano sila? Wala kami sa Pilipinas," dagdag ni Feby.
Patuloy pa niya: "Simula nga noong nagka-project kami, parang napakahirap lumunok nang masarap na pagkain kasi alam mo na ang daming nagugutom. Parang mas kami 'yung binago nu'ng project."
Nalungkot si Feby nang ilahad ng isang OFW ang pinagdadaanan nito.
"'Ma'am hindi ko akalain na pupunta ako ng ibang bansa para manlimos ng pagkain,'" saad daw ng naiiyak na OFW na binigyan ni Feby ng pagkain.
Mula 200 food packs kada araw, naging 500 na ang naipamimigay ng team nina Feby kada araw nang mag-umapaw sa kanila ang tulong mula sa iba pang Pinoy.
Panawagan niya sa gobyerno, sana ay mapagtuunan ng pansin ang mga Pinoy na nangangailan ng tulong.--FRJ, GMA News