Inatasan umano ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang labor attache sa Saudi Arabia na tiyaking makatatatanggap ng tulong mula sa pamahalaan ang mga overseas Filipino workers doon na napilitang magbenta ng dugo para may maipambili ng pagkain.
Ayon sa kalihim, aalamin din ng labor attache kung nakatanggap na ng $200 o P10,000 na ayuda mula sa gobyerno ang mga OFW na bahagi ng cash aid program para sa mga manggagawang naapektuhan o nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.
"Pinagsabihan ko 'yung aming labor attache, hindi lamang bigyan ng pagkain, hindi lamang bigyan ng toiletries, at hindi lamang bigyan ng medisina -- tingnan din kung mag-qualify sa programa natin na tinatawag na AKAP," sabi ni Bello sa panayam ng Dobol B sa News TV nitong Biyernes.
Ang AKAP ay "Abot Kamay ang Pagtulong" cash assistance program ng DOLE para sa OFWs.
Una rito, iniulat na mayroon mga OFW na nawalan ng trabaho dahil sa pandemic ang walang natanggap na tulong sa gobyerno kaya napilitan nang magbenta ng dugo para may perang pambili ng pagkain.
Pero sa nakaraang pahayag, sinabi ni Bello na may mga OFW na dati nang ginagawa ang pagbebenta ng dugo para magkaroon ng panggastos sa personal na pangangailangan.
Dahil sa naging pahayag ni Bello, nagpahayag ng sama ng loob ang mga nagigipit na OFW na sinasabing nagbenta ng dugo.
Gayunman, nilinaw ni Bello na hindi niya minamasama ang ginagawang pagbebenta ng dugo ng ilang OFW na buong sahod ang ipinapadala sa kanilang pamilya sa Pilipinas.
“May kababayan talaga tayo na gusto nila ‘yong kinikita nila doon sa kanilang trabaho, pinapadala nila sa kanilang pamilya. Ngayon, ‘yong para sa mga lakad nila kagaya ng gusto nilang mag-inuman ganoon, gusto nilang may lakad sila, ang ginagawa nila ay nagbebenta na lang sila ng dugo,” sabi ni Bello.
Nitong Biyernes, sinabi ng kalihim na nauunawaan niya kung nasaktan ang mga OFW sa kaniyang binanggit, at humihingi siya ng paumanhin.
"...[M]asyado silang... talagang bayani, biro mo, buong buo nila pinapadala 'yung pera sa pamilya nila. Malaking sakripisyo 'yun," saad niya.
"Humihingi naman ako ng paumanhin kung iba ang dating sa kanila pero ang talagang gusto kong iparating 'yung kanilang kabayanihan," dagdag pa ng kalihim.--FRJ, GMA News