Nanindigan ang mga OFW sa Saudi Arabia na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic, na napilitan silang magbenta ng dugo para may maipambili ng pagkain at hindi para sa kung ano pa man gaya ng paniwala ni Labor Secretart Silvestre Bello III.

"Kami po yung pinaparatangan n'yo [Bello] yung mga una sa video na nagbenta ng dugo. Ito yung katotohanan; talagang walang wala na po kaming choice. Iilan lang po ang nakatanggap [ng tulong] sa gobyerno natin, walang ayuda mula sa company namin," sabi ng isang OFW na nagbasa ng pahayag na naka-post sa Twitter ni GMA News reporter JP Soriano nitong Miyerkules.

Giit pa ng OFW, may iba pa silang kasamahan na first time umanong nagbenta ng dugo sa kanilang buhay at hindi nila inasahan na gagawin nila ito sa ganitong sitwasyon.

"Hindi po kami nagbenta ng dugo dito para ipambili lang po ng alak at panlakad sir [Bello], pagkain ang kailangan namin, pera ang kailangan namin para may pambili kami ng pagkain," patuloy ng OFW.

 

 

Kamakailan lang, nagpahayag ng pagduda si Bello sa lumabas na ulat na may mga displaced OFW na nagbebenta na ng kanilang dugo para may maipambili ng pagkain.

READ: Bello, 'di naniniwalang namumulot ng 'basura' at nagbebenta ng dugo ang stranded OFWs sa KSA para may makain

"Ang mga Pilipino, kung minsan, sa kagustuhan nila na makapagpadala ng pera sa kanilang maybahay rito sa Pilipinas, they go for extra money, and one of them is selling blood,” sabi ng kalihim.

“Nagbebenta ng dugo ang ating mga kababayan hindi dahil sa pangangailangan kung hindi dahil sa kagustuhan nila na makapagpadala ng dagdag pera. That does not only happen during this pandemic,” patuloy niya.

Gayunman, nilinaw ni Bello na hindi niya minamaliit ang ginagawang pagbebenta ng dugo ng mga OFW sa KSA.

Sa halip, hinahangaan daw niya ang mga OFW na nagbebenta ng dugo dahil ipinapadala nila sa kanilang pamilya sa Pilipinas ang kanilang kinikita.--FRJ, GMA News