Mabilis na nagsagawa ng Caesarean operation ang mga duktor sa isang ospital sa United Arab Emirates (UAE) para sagipin ang pitong-buwang-gulang na sanggol sa sinapupunan ng isang overseas Filipino worker (OFW) bago siya pumanaw dahil sa COVID-19.
Ayon kay Joseph Ayson Tiglao, hindi niya nasamahan sa huling mga sandali ang kaniyang kabiyak na si Grace Joy, 28-anyos, dahil siya man ay naka-isolate dahil nagpositibo rin sa virus.
“At the time, isolated na ako,” sabi ni Tiglao. “Nagkausap naman kami ni misis. Nagiging better naman na daw siya.
“Pero lumalala, sobrang nahihirapan siyang huminga kaya in-intubate. Nag-decide sila na mag-CS operation to save the baby,” dagdag pa ni Tiglao batay sa mga impormasyon na nakuha sa mga duktor.
Pumanaw si Grace noong Mayo 23, ilang oras matapos na mailabas sa kaniyang sinapupunan si Baby Dylhanne Grace.
“On that day, she was asking me to be there next to her kasi one week na kaming hindi nagkikita. Hindi ko alam na parang yun na… parang gusto na pala niyang magpaalam sa 'kin,” sabi ni Tiglao.
“Super sakit isipin kasi nga andito ako wala akong magawa bilang asawa niya. If alam ko lang, hindi ko na siya iniwan sa hospital nun since parehas naman kaming positive,” dagdag niya.
Nitong June 27, idineklara nang COVID-19 free si Baby Dylhanne Grace, na nananatiling nasa pangangalaga ng ospital.
Nagtatrabaho ang mag-asawang Tiglao, bilang restaurant staffs sa Abu Dhabi. Plano na sana nilang umuwi ng bansa ngayong Hunyo. —FRJ, GMA News