Inabutan ng panganganak sa bahay ng kaniyang amo ang isang overseas Filipino worker sa Jeddah, Saudi Arabia habang kinapanayam ng GMA News via video call para humingi ng tulong na madala siya sa ospital.
Sa ulat ni Tina Panganiban Perez sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente noong madaling araw ng June 24.
Nagpatawag na umano ng ambulansya ang GMA News para sunduin ang OFW na itinago sa pangalang “Teresa,” sa bahay ng kaniyang amo pero biglang humilab na ang tiyan niya at nanganak.
Kuwento ni Teresa, umuwi siya sa bansa noong Oktubre dahil namatay ang kanina ina. Pero nang bumalik siya sa KSA noong Disyembre, hindi na siya niregla.
Nagalit daw ang kaniyang amo nang malamang buntis siya kaya binigyan na siya ng exit visa para umuwi.
Pero dahil sa travel restrictions bunga ng COVID-19 pandemic, naantala ang kaniyang pag-uwi hanggang sa abutan na siya doon ng panganganak.
Sa kabila ng kaniyang sinapit, hindi naman pinabayaan ng kaniyang recruitment agency si Teresa.
“We will bring her to our accommodation and she will stay there while processing the repatriation. We will also help the worker kung ano ‘yung matutulong namin para ma-expedite ‘yung pag-uwi nila ng baby niya, and then of course we will coordinate with the Embassy,” ayon sa kinatawan ng agency. --FRJ, GMA news