Inilahad ng isang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ilang dahilan kaya nagiging pahirapan ang pagtugon sa mga panawagan ng mga stranded overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia na kailangan ng tulong, mga gusto nang makauwi sa Pilipinas, at mga nais madala sa ospital dahil dinapuan ng COVID-19.
Sa panayam sa GMA News "Unang Hirit" nitong Huwebes, sinabi ni DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Sarah Lou Arriola, na sa mahigit 160,000 na stranded na OFWs sa iba't ibang bahagi ng mundo, pinakamarami ang nasa KSA na umaabot sa 88,000.
Kamakailan lang, may mga naglalabasang video sa social media na may mga OFW na napipilitang maghalungkat ng makakain sa basurahan, at may nagbebenta na rin ng dugo para may maipambili ng pagkain.
May dalawang OFW rin na nahawahan umano ng COVID-19 ng kanilang amo pero inilagay lang sila sa isang kuwarto at hindi sa ospital.
Ayon kay Arriola, hindi basta-basta mapupuntahan ng mga tauhan ng pamahalaan ang mga pasyenteng may COVID-19 dahil sa pinaiiral doon na protocols at restrictions.
Idinagdag niya na hindi tinatanggap sa mga ospital ang mild cases ng COVID-19 at pinagku-quarantine na lang.
Samantala, inihayag ni Arriola, na kaagad naman daw na hinatiran ng tulong ang mga OFW na malalaman na kailangan ng ayuda pero sadyang napakarami umano ng bilang nila.
At sa harap ng maraming OFW na nangangailangan ng tulong, nagkataon naman umano na "bagsak" ang tanggapan ng Philippine Overseas Labor and Office (POLO) sa Riyadh dahil may mga tauhan doon na nahawahan ng COVID-19, maging Philippine mission office sa Jeddah.
"Medyo kakaiba po itong pangyayaring ito kasi ngayon lang po na-down po yung mga missions natin doon," saad niya.
"Kapag pinagbigay-alam po sa atin ginagawan po natin lahat ng ating makakaya para ma-reach din po sila. Kasi ano lang po talaga, medyo overwhelming din po yung number ng mga distressed Filipino workers," dagdag ng opisyal"
Sa ngayon, nakikipagtulungan daw ang pamahalaan ng Pilipinas sa mga Filipino community sa KSA para malaman kung nasaan ang mga OFW na kailangan ng tulong at sila na rin ang maghahatid ng tulong.
Ginagawa rin daw ng pamahalaan ang lahat para maiuwi ang mga OFW. Pero pakiusap ni Arriola sa mga OFW na nagpalista na uuwi na sumipot sa araw ng kanilang biyahe para hindi masayang ang inilaan na puwesto para sa kanila.
Ayon sa opisyal, 34 na OFW na papauwuin sa Pilipinas mula sa Qatar ang hindi umano sumipot.
"Sana po sumipot po sila kasi kawawa naman po yung talagang gustong umuwi," saad niya.
Samantala, sinabi ni Arriola na nakausap niya ang embahador ng Pilipinas sa KSA at patuloy silang nakikiusap na palawigin hanggang sa susunod na Sabado ang 72-hours deadline para maiuwi naman ang mga labi ng mga pumanaw na OFW sa nabanggit na bansa sa Gitnang Silangan.
“Nakausap ko po si Ambassador (Adnan) Alonto kagabi, sabi niya they are pleading na hanggang next Saturday,” ani Arriola. “But DOLE (Department of Labor) is really the one who is chartering the plane to bring home the remains po.” --FRJ, GMA News