Isang lalaki ang natangayan ng mahigit P3,000 ng isang texter na nagpanggap na may-ari ng isang recruitment agency, ayon sa eksklusibong ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Kuwento ng biktimang si Julio Aquino, inalok siya ng texter ng trabaho sa Canada na walang kailangang ipakitang show money o babayarang processing fee.  Ang tangi lang daw na dapat niyang bayaran ay ang P3,000 na online seminar fee para raw sa interview ng Canadian Embassy sa June 20-21.

Ngunit pagka-deposit ni Aquino ng P3,300 ay bigla na lang daw hindi nagparamdam ang texter.

"Siguro ang mali ko lang dun is nag-trust ako ng ganun kabilis," anang biktima.

Nang i-search ni Aquino sa internet ang JEJ International Manpower Services, nakita niya ang Facebook post nito na nagbababala laban sa mga scammer na umano'y gumagamit ng pangalan nito. Ayon sa kumpanya, wala silang job order sa Canada.

Kasama ang JEJ International Manpower Services, idinulog na ni Aquino ang insidente sa National Bureau of Investigation (NBI). --KBK, GMA News