Umabot umano sa 99 porsiyento ang nabawas sa bilang ng mga ipinapadalang OFWs sa abroad nitong buwan ng Abril, ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Pero nagsimula raw bumaba ang bilang nitong nakaraang Enero dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa virtual hearing ng House committee on overseas workers affairs nitong Biyernes, sinabi ni POEA administrator Bernard Olalia, na apektado ng pagbaba ng deployment ng OFWs ang land at sea-based workers, pati ang mga health care worker.
Ayon kay Olalia, 47 lang ang land-based new hires na naipadala sa ibang bansa nitong nakaraang Abril, malayong-malayo sa 30,592 na naitala sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Samantala, sa mga "rehire" na land based workers, 677 lang ang nakaalis nitong Abril, napakababa rin kumpara sa 128,183 noong Abril 2019.
Napakalaki rin ang kaibahan sa bilang ng mga rehired sea-based workers na 392 lang ngayong Abril, kumpara sa 40,597 noong Abril 2019.
“The reason for being po is maraming travel restrictions, we had ECQ (enhanced community quarantine) and crew change that was not able to be implemented due to restrictions,” paliwanag ni Olalia.
Nagsimula raw bumaba ang deployment ng Pinoy workers nitong nakaraang Enero.
Ayon kay Olalia, 23,165 ang mga bagong land-based OFWs na naipadala sa abroad nitong Enero 2020, mas mababa pa rin kumpara sa 27,612 noong Enero 2019.
Pagsapit ng Pebrero, 30,583 naman ang naipadalang land-based new hires, kumpara sa 37,833 sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Pagsapit ng Marso, higit kalahati na ang nabawas matapos na 17,139 na land-based new hires lang ang naipadala, kumpara sa 39,651 noong Marso 2019.
Samantala, bagaman malakas ang naging simula ng grupo ng mga "rehire" na land-based Filipino workers nitong Enero, unti-unti ring dumapa ang bilang pagdating ng Pebrero.
Batay sa datos ng POEA, 196,851 ang rehired land-based Filipino workers nitong Enero, mas mataas sa 185,150 noong Enero 2019.
Pero pagsapit ng Pebrero, naging 76,779, na lang ito, na mas mababa sa 92,196 na naitala noong Pebrero 2019.
At pagsapit ng Marso, halos halahati na ang nabawas nang mula sa 74,356 na naitala noong 2019 at naging 32,553 ngayong taon.
Sa grupo ng sea based workers, 32,419 na rehired ang naipadala nitong nakaraang Enero, mas mababa ng 30 porsiyento kumpara sa 46,749 noong Enero 2019.
Nitong nakaraang Pebrero, 30,747 ang rehired seafarers, mas mababa pa rin sa 39,515 sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Patuloy pa itong nabawasan sa 16,260 nitong nakaraang Marso, malayo sa 44,854 rehired sea-based workers noong Marso 2019.
Batay sa tala ng Department of Labor and Employment, tinatayang 300,000 overseas Filipino workers ang naapektuhan ng COVID-19 pandemic. --FRJ, GMA News