Patuloy ang pag-uwi sa Pilipinas ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa abroad na naapektuhan ng krisis dulot ng pandemyang sanhi ng COVID-19.

Sa pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA), sinabing 347 na mga OFW sa Dammam at Riyadh ang dumating sa bansa nitong Lunes, sakay ng Philippine Airlines flight.

Naisagawa ang pagpapauwi sa kanila sa pamamagitan ng Assistance-to-Nationals Fund ng DFA.

Kabilang sa mga dumating ay 16 na buntis, siyam na menor de edad, kabilang ang limang sanggol, isang lalaki na naka-stretcher case, at isang na-stroke victim.

Kaagad silang isinailalim ng Philippine Coast Guard sa RT-PCR testing para sa COVID-19, bago dinala sa mga tutuluyan nilang quarantine facilities.

Samantala, dumating din nitong Lunes ang 91 stranded at distressed Filipinos mula sa Myanmar.

 

 

Ayon sa Philippine Embassy sa Yangon, kabilang sa mga nakauwing Pinoy mula sa Myanmar ay kinabibilangan ng mga nakansela ang biyahe at mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemic.

Inaasahan naman na may mga OFW pa na darating sa bansa ngayong linggo mula sa Doha, Qatar at Dili, East Timor.--FRJ, GMA News