Nais ng Malacañang na malaman kung ilan ang mga umuwing Filipino mula sa ibang bansa na kasalukuyang nasa quarantine facilities at naghihintay ng resulta ng kanilang COVID-19 test.
Sa televised briefing nitong Martes, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque, na hihilingin nila sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na magsagawa ng imbentaryo sa mga repatriated OFW at alamin ang tunay na bilang na naghihintay ng resulta ng kanilang COVID-19 result habang nasa government-accredited facilities.
Inihayag ito ni Roque sa harap ng mga reklamo na may mga OFW na naiinip na sa mga quarantine facility dahil higit na sila sa itinakdang 14-day quarantine period.
“We will look into this now. We will go out of our way and actually ask OWWA for an inventory lalung-lalo na kung ilan na ‘yung napakatagal nang nag-aantay ng resulta and really ask ‘yung mga laboratories kaya n’yo ba o hindi,” sabi ni Roque.
Una rito, nakiusap si OWWA Administrator Hans Leo Cacdac sa mga OFW na dagdagan pa ang pasensiya habang hinihintay ang resulta ng kaniyang COVID-19 test.
Pero iginiit niya na hindi maaaring lumabas ng quarantine facilities ang mga OFW hanggat hindi lumabas ang resulta ng kanilang virus test.
Hanggang nitong Mayo 13, nakasaad sa ibinigay na ulat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na mayroong 80 quarantine facilities na pinamamahalaan ng Bureau of Quarantine.
Ang mga quarantine facilities ay kinabibilangan umano ng 58 hotel o katulad na pasilidad, at 22 cruise ships, at tinutuluyan ng nasa 12,476 repatriates.--FRJ, GMA News