Natunton na umano ang kinaroroonan ng dalawang overseas Filipino workers na tumakas sa quarantine facility at lumitaw na positibo sa COVID-19, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sa panayam sa Dobol B sa News TV nitong Lunes, sinabi ni OWWA administrator Hans Leo Cacdac, na "under control" na ang sitwasyon.
“'Yung naiulat kahapon ay dalawang kaso at kakatapos lang po ng pagpupulong namin diyan at malinaw naman po na na-locate 'yung dalawang naunang naiulat na tumakas. Na-trace naman po at na-locate,” ayon kay Cacdac.
Kasama umano sa naturang pagpupulong sina Philippine Coast Guard commandant Admiral Joel Garcia, Defense Secretary Delfin Lorenzana, at COVID-19 response deputy chief implementer Vince Dizon.
“Ang mga OFWs naman po natin ay hindi tumatakas. The situation is under control at na-isolate na yung pinuntahan,” dagdag niya.
Hindi na nagbigay ng iba pang impormasyon tungkol sa dalawang OFW si Cacdac dahil ang Department of Health lang umano ang may katungkulang maglabas ng mga detalye tungkol sa mga pasyente.
Una rito, may mga OFWs ang nagrereklamo na humihigit sa 14 na araw ang pananatili nila sa mga quarantine facility.
Paliwanag ni Cacdac, hindi naiiwasan na may pagkakataon na tumagal ang quarantine period ng OFWs dahil sa ilang usapin tulad ng COVID-19 test.
Ayon kay Cacdac, bago ipatupad ng Inter-Agency Task Force ang PCR-based tests for COVID-19 ng mga repatriated OFWs noong Abril 27, ang mga nakatapos na ng 14-day quarantine ay pinapayagan nang umuwi.
“Problem: ‘Yung mga (returning to) Visayas, Mindanao noong panahon na ‘yun walang flight. Nag-impose ng requirement like PCR tests etcetera,” saad niya.
“So it happened, ‘yung mga Visayas, Mindanao na lalo around that time na ipinataw ‘yung swab tests (na requirement) ay nakalagpas na ng 14 days because they are waiting for local government units to accept them,” dagdag ng opisyal.
May mga lokal na pamahalaan umano na nais munang makita ang resulta ng test bago payagang makauwi ang OFW.
“From May 5 onwards, we have been waiting for the results,” saad niya. “Yung mga dati nang—VisMin lalo—na lumagpas na sa 14 days, tumatakbo na rin ang kanilang araw. Lumolobo na ‘yung kanilang pananatili doon.”
Batay sa impormasyon mula kay Coast Guard commandant Admiral Garcia, sinabi ni Cacdac na tinatayang 28,000 umano ang nakapili sa test results.
Ang Philippine Red Cross umano ang sumusuri sa COVID-19 test ng mga OFW, pero mayroon din sinusuri ang PRC na mga ipinapadalang test mula sa mga lokal na pamahalaan.
“As of today, we started Friday—medyo naantala ng bagyo over the weekend—meron na tayong mga 600 na napauwi,” ani Cacdac.
“This is ongoing. Meron tayong barko pauwi ng Iloilo at Bacolod. Three hundred ang isasakay doon. At the end of this day, we will reach the 1,000 mark,” dagdag pa niya.--FRJ, GMA News