Matapos gumaling sa nakamamatay na COVID-19, walang ibang nasa isip ngayon ang isang overseas Filipino worker sa Singapore kung hindi ang makabalik sa bansa upang makasama ang kaniyang pamilya.

"May quarantine naman bago ako makakauwi sa bahay namin. Nag-negative na din naman ako and I'm willing to follow all the requirements or procedures before ako makauwi sa bahay namin to make sure that my family is safe pag-uwi ko," saad ni Arniella Tan-Anonuevo.

"Gusto ko kasing makasama ang mga anak ko at this time. For sure, they will cancel my pass but it's okay with me. Sa na-experience ko, mas gusto kong kasama mga anak ko and family ko because I don't know what will happen next," dagdag niya.

Mag-isa lang si Tan-Anonuevo nang magpunta sa Raffles Hospital nang maranasan ng mataas na lagnat.

“Nung nilagnat ako ng 380, nagpunta na ako sa Raffles Hospital. Mag-isa lang ako nun. Takot na takot ako pero ayoko ko ilagay sa kapahamakan ang mga kasama ko sa bahay. Pinipigilan kong umiyak kasi wala akong choice kundi maging strong that time,” paglalahad niya.

Isang kababayang nurse ang nag-asikaso sa OFW at kumuha ng ambulansiya para madala siya sa National Centre for Infectious Diseases (NCID).

“April 4 lumabas yung result, positive. Dinala ako sa Tan Toc Seng Hospital then nag-stay ako ng four days dun tapos nung na-observe ng doctor na okay na ako at mild case, nilipat ako sa Concord International Hospital for isolation at swab test every four days,” kuwento niya.

Sa Concord International Hospital, humingi umano si Tan-Anonuevo ng patunay ng "clearance."

"The certificate is not said for travel pass or travel clearance. It is a certificate na negative na ako from COVID-19," saad niya.

Hindi itinanggi ng OFW na nakararamdam siya ng pag-aalala sa kaniyang kalagayan ngayon.

"Gustong-gusto ko nang umuwi kasi ang taas ng anxiety ko. Pakiramdam ko mag-isa ko though madami akong support from friends and family. Wala silang tigil kaka-message and calls pero iba pa rin na kasama ko ang mga anak ko at asawa ko," ayon kay Tan-Anonuevo.

“Hindi na naman ako makakahawa kasi hindi naman ako papalabasin ng hospital or isolation place dito sa Singapore if I have possibility na makahawa sa iba. Negative na ako,” saad niya. —FRJ, GMA News