Umabot na sa 2,233 ang bilang ng mga Pinoy na nasa iba't ibang bansa ang tinamaan ng COVID-19. Pinakamarami pa rin sa kanila ang nasa Europe at sumunod ang Middle East/Africa, ayon sa datos ng Department of Foreign Affairs.
Sa Twitter post ng DFA nitong Martes, nakasaad na 261 na ang mga Pinoy sa abroad na nasawi dahil sa virus. Umabot naman sa 669 ang gumaling at 1,303 pa ang ginagamot.
Pinakamarami pa rin sa mga Pinoy sa abroad na tinamaan ng COVID-19 ay nasa Europe na may 668 na kaso. Kung dati ay nakikipaghabulan ang Americas sa Europe sa dami ng mga Pinoy sa abroad na dinapuan ng virus, ngayon ay pangatlo na lang ito sa bilang na 529.
Sumunod na ngayon sa Europe ang ME/Africa na may 643 na Pinoy na nagkaroon ng COVID-19; at 393 cases naman ang naitala sa Asia Pacific Region.
12 May 2020
— DFA Philippines (@DFAPHL) May 12, 2020
Today, the total number of COVID-19 cases among Filipinos abroad went over the 2,200 mark with 38 new confirmed cases, 25 new recoveries, & 1 new death recorded in the Asia & the Pacific, Europe, & Middle East. No new reports were received from the Americas. (1/2) pic.twitter.com/vhKGzcuNb4
Gayunman, nasa Americas pa rin ang pinakamataas na bilang ng mga Pinoy sa abroad na nasawi dahil sa COVID-19 na umabot sa 142, at 194 naman ang gumaling.
Pangalawa naman ang Europe na nakapagtala ng 79 Pinoy sa abroad na nasawi sa virus, at 169 ang gumaling.
Sa ME/Africa, 38 ang nasawi at 68 ang gumaling. Habang sa Asia Pacific Region, dalawa ang nasawing Pinoy sa abroad at 240 ang gumaling.--FRJ, GMA News