Naglabas ng hinaing at umapela ng tulong ang mga overseas Filipino worker mula sa Saudi Arabia upang mahanap ang lalaking umano'y nanloko sa kanila sa isang uri ng investment scam. Ang mga biktima, natangayan daw ng milyong-milyong halaga at nasira pa ang pangarap sa kanilang pagreretiro.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing limang warrant of arrest na sa kasong estafa ang inilabas ng iba't-ibang hukuman laban sa suspek na si Elpidio Tanaliga Jr..
Kabilang sina Jade Doromal Baes at Rommel Sanchez, sa bagong grupo ng mga OFW sa KSA na lumantad para ipahayag ang sama ng kanilang loob kay Tanaliga.
Sina Baes, 42-anyos at Sanchez, 38-anyos, ay kapwa nagtrabaho bilang draftsman nang kulang sampung taon at natangayan daw ng tig-P1 milyong sa umanoý investment scam.
Sinabi ni Sanchez, na ang ipinasok niyang puhunan sa naturang negosyo kay Tanaliga ang inaasahan sana niyang makatutulong sa kaniya pagbalik niya sa Pilipinas.
Wala namang ibang hangad si Baes kung hindi maibalik sa kanila ang pera na kanilang pinaghirapan.
Si Joen Palabon na factory supervisor sa KSA at balak na raw sanang magretiro ngayong taon, natangayan ng kalahating milyong piso.
Ang senior citizen na Ram Antonio, nahihiya sa kaniyang pamilya dahil siya ngayon ang binubuhay ngayon ng kaniyang mag-ina matapos bumalik sa bansa.
"Ang pinakamasakit sa lahat, iniwan ko yung ang trabaho ko doon dahil umaasa ako na maganda ang magiging kinabukasan ko sa investment na ito," hinanakita niya.
Labis din ang sama ng loob ni Patrick Norman Algenio matapos na mawalan ng P10 milyon sa investment scam.
Nag-alok sila ng P50,000 sa sinumang makatutulong para makita at madakip si Tanaliga.
Ayon sa mga nagrereklamo, hindi na raw nila mahagilap si Tanaliga mula nang magsara ang kaniyang opisina sa Quezon City noong isang taon.
Sa naging panayam kay Talinaga noong nakaraang taon, iginiit niya na hindi siya nagtatago at nangakong babayaran ang kanyang mga investor sa lalong madaling panahon.
Para raw sa mga may impormasyon tungkol kay Talinaga, maaaring makipag-ugnayan sa numerong 0945-382-3431.--FRJ, GMA News