Inilaglag ng mga dating miyembro ng Viva Hot Babes na sina Andrea Del Rosario at Katya Santos ang isa’t isa kung sino sa kanila noon ang mas lapitin ng mga lalaki. Nagkagulo-gulo nga ba sila dahil sa lawak ng kanilang “market”?

Sa kanilang pagkasa sa “Turuan Challenge” para sa drama anthology series na “Tadhana,” tinanong sina Andrea at Katya kung sino sa kanila ang pinakalapitin ng mga lalaki.

Sina Andrea at Katya, tinuro ang isa’t isa.

“Kasi po, ganito ‘yan. Nagkulang po kasi ako sa... (itinuro ang kaniyang hinaharap),” natatawang sabi ni Andrea sa kaniyang paliwanag kung bakit si Katya ang tingin niyang mas lapitin.

“Iba naman ang nagkakagusto sa ‘yo (Katya),” dagdag ni Andrea.

“Iba naman kasi ‘yung market niya eh. Magkakaiba kami ng market. Foreigner siya,” paliwanag naman ni Katya tungkol kay Andrea.

Ayon kay Andrea, “Kasi nagta-tan ako before. Lagi akong nasa Boracay.”

“Honestly, not for anything else. Noong time ng Hot Babes days, lapitin naman talaga lahat sa lalaki,” sabi ni Katya.

Sa kabila nito, hindi naman ito pinag-awayan ng mga miyembro ng sikat na Filipino pop girl group.

“Walang nagkagulo-gulo kasi nga magkakaiba lahat ‘yung market namin at magkakaiba lahat ‘yung gusto namin,” sabi ni Katya.

“Meron iba type ng mga Chinese. ‘Yung iba naman, foreigner. ‘Yung iba Pinoy,” pagsegundo ni Andrea.

Ayon kay Andrea, mas tipo ng ibang lahi ang kaniyang katangian na morena at mahaba ang buhok.

“Lalo na noong tan na tan ako para akong si Pocahontas. Tapos ‘yung hair hanggang dito (baywang),” sabi niya.

“‘Yung tipong talagang [hinahabol] kami ng mga lalaki sa ibang bansa. My hair!” biro naman ni Katya.

Sumikat noong 2000s, ilan sa mga kantang pinasikat ng Viva Hot Babes ang "Bulaklak," "Kikay," at "Basketbol."

Kasama nina Katya at Andrea sa grupo sina Maui Taylor, Gwen Garci, Sheree Bautista, Zara Lopez, Jaycee Parker, Asia Agcaoili, Hazel Cabrera, Myles Hernandez at marami pang iba. — DVM, GMA Integrated News