Iniimbestigahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang bentahan online ng gamot na para sa mga may diabetes pero ginagamit umano ng iba bilang weight loss treatment.
May babala naman ang isang doktor sa mga gumagamit nito kahit na wala silang sakit na diabetes.
Wala pang isang taon na paggamit ng gamot na Ozempic, 18 kilograms na ang nabawas sa timbang ng content creator na si Lexi Ortanez.
Pero paglilinaw niya, hindi sa pagpapapayat niya ginagamit ang ozempic kundi para mapababa ang kaniyang blood sugar.
Na-diagnose kasi siya na may Type 2 diabetes kaya’t inireseta ito sa kaniya ng doktor.
Pero ang problema niya, pati na rin ng kaniyang ina na may Type 2 diabetes din, ang manipis na supply nito sa merkado.
Nangangamba na raw si lexi dahil kailangan na raw niila magturok ng Ozempic sa susunod na linggo pero hanggang ngayon, wala pa siyang mabili.
Ayon sa FDA, aprubado nila ang Ozempic para sa mga may type 2 diabetes at hindi bilang weight loss treatment.
Ayon kay Atty. Pamela Sevilla, FDA spokesperson, “the product Ozempic is registered with the FDA with the indication of treatment for Type 2 diabetes and with that it is also approved by the FDA as a prescription drug.”
Ikinababahala rin daw ng FDA ang pagbebenta nito online nang walang prescription o reseta.
Nagsimula na raw ang imbestigasyon ng FDA kaugnay dito bagamat aminado silang mahirap tukuyin ang mga nagbebenta nito online lalo na sa mga social media platforms kaya naman humingi na raw sila ng tulong sa NBI at CIDG.
Ayon kay Sevilla, “we have to figure out if these are the establishments with license to operate from FDA or these are private persons na walang license to operate with FDA. So with that, we start the investigation by figuring out kung saan muna kumakalat ang products.”
Paalala ng FDA sa publiko maging maingat sa mga ginagamit na health products at ireport sa ereport@fda.gov.ph ang mga prescription drugs na ilegal na ibinibenta online.
Babala ni Dr. Encarnita Limpin, past president ng Philippine College of Physicians, na ang paggamit ng Ozempic kahit normal ang iyong blood sugar ay mapanganib sa kalusugan.
“Number one na pangangailangan ng utak natin ay ang asukal, sugar so kapag bumaba masyado yung sugar mo maaaring magkaroon ng epekto ito sa ating utak…puwedeng biglang hindi magising yung tao, pwedeng magtuloy tuloy yun kung hindi makikita na bumagsak pala yung sugar eh baka maaaring magtuloy tuloy ‘yan sa coma.”
Kabilang din daw sa maaaring maging serious side effect nito ay ang pagkakaroon ng thyroid tumors at pancreatitis. Maliban pa rito ang pagsusuka at nausea.
Mamemeligro rin daw ang mga may diabetes na nauubusan ng gamot.
Sabi ni Limpin, “kung hindi maganda ang kontrol ng blood sugar, you run the risk of magkaroon ka ng ibang mga complications ng diabetes tulad ng mga sakit sa puso, magkaroon ka ng problema sa kidneys.”
Payo niya sa mga gustong magpapayat, bawasan ang mga pagkaing mataas sa carbohydrates, tiyaking hindi kumakain ng sobra sobra sa kailangan ng katawan at mag ehersisyo para ma-burn ang calories mula sa kinain. — BAP, GMA Integrated News