May tugon si Carla Abellana sa ilang pumupuna sa ginawa niyang pagbebenta online ng kaniyang pre-loved designer items.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, pinuna ng ilang netizen na hindi raw tugma ang presyo na may kamahalan sa kalidad ng ibinebenta niyang produkto.

Pero itinanggi naman ito ng aktres.

"'Di 'yun totoo, grabe kayo. I would sell something na much less naman than how much I got it for di ba, lalo na 'yung condition niya depende din doon," saad ni Carla.

"Well, choice naman nila 'yun if they're interested or if they want to buy or not," dagdag niya.

Nagbabawas ng gamit si Carla dahil sa paglipat niya sa bagong bahay. Sa kaniyang Instagram account, makikita ang mga produkto na kaniyang ibinebenta sa Carla Angeline Closet.

Kabilang dito ang ilang items gaya ng Hermes sandals,  Faure Le Page keychain, Gucci sneakers, Salvatore Ferragamo hair clip, at Michael Kors purse.

Napapanood ngayon si Carla sa GMA Afternoon Prime series "Stolen Life" kasama sina Gabby Concepcion at Beauty Gonzalez. Bibida rin siya sa upcoming primetime series na "Widow's War" kasama si Bea Alonzo. —FRJ, GMA Integrated News