Isang biktima ng tama ng ligaw na bala mula sa pagpaputok ng baril sa pagdiriwang ng Bagong Taon 2024 ang nasawi sa Bataan. Ang biktimang ginang naman sa Rizal, hindi lang masuwerteng nakaligtas kundi mabuting naipakarga niya sa pinsan ang kaniyang batang anak.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nagpapahangin lang sa balkonahe ng bahay ang biktimang nasawi sa Mariveles, Bataan noong Linggo ng gabi nang mangyari ang insidente.
"Kaagad pong dinala nila ito sa Mariveles District Hospital subalit binawian din po ito ng buhay," ayon kay Philippine National Police spokesperson Police Colonel Jean Fajardo.
Sa Antipolo, Rizal, nahuli-cam naman nang tamaan ng ligaw na bala sa balikat habang nanonood ng mga nagpapaputok sa labas ng bahay si Joan Jimenez.
Sa kuha ng CCTV camera, kasama ni Jimenez ang iba niyang kaanak, pati na ang kaniyang batang anak na karga ng kaniyang pinsan.
"Masakit, mahapdi…lumapit ako sa tito ko, sabi ko patingin kasi parang may tumama na paputok, akala ko paputok. Pagtingin ko...sabi nila bala po," kuwento ni Jimenez.
Isinugod ang biktima sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center (ARMMC) at nakuha ang bala na tumama sa kaniya.
"Sabi po nila sa amin, buti na lang hindi tumama sa mga nerves, kasi talagang magiging baldado daw po," saad niya.
Bukod sa nakaligtas, ipinagpapasalamat din ni Jimenez na ipinakarga niya ang kaniyang anak sa kaniyang pinsan bago mangyari ang insidente. Posible umano na ang bata ang tinamaan kung hawak niya ito.
Iniimbestigahan na ng Antipolo police kung saan nanggaling ang bala na tumama kay Jimenez.
May biktima rin ng tama ng ligaw na bala na dinala sa ARMMC na mula sa Marikina. Sa paa ang tinamo nitong sugat.
"There was no extracted bullet, there was only a broken toe," ani ER resident Dr. Miguel Mortega, na sinabing pinayagan na ring makauwi ang biktima.
Sa San Fabian, Pangasinan, may pinaniniwalaan din na dalawang biktima ng stray bullets.
"Maganda kasi daplis lang at nakauwi sila," ayon kay Region 1 Medical Center health emergency and disaster management services head Dr. Camilla Rosario-Navarro
Sa ngayon, dalawa pa lang ang opisyal na nakatala sa PNP na stray bullet incidents na mas mababa sa nakalipas na mga taon.
"Nag-conduct na sila ng trajectory examination, for possible identification, kung saan maaaring nanggaling itong mga bala," ani Fajardo. — FRJ, GMA Integrated News